SMB pinabagsak ang Hotshots

Ang tradisyunal na pagpapakilala ng mga koponan kasama ang kanilang mga naggagandahang muses sa opening ng PBA Season 42 kagabi.
PM photo ni Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Ang tatlong sunod na turnovers nina Hotshots’ guards Mark Barroca at Paul Lee sa dulo ng fourth quarter ang nagbigay ng panalo sa Beermen.

Itinakas ng nagdedepensang San Miguel ang 96-88 panalo laban sa Star sa pagbubukas ng 2016-2017 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Colise-um.

Nagtala si ‘three-peat’ PBA MVP June Mar Fajardo ng 25 points, may 22 points si Alex Cabagnot at 17 si Arwind Santos para sa Beermen.

Samantala, sa unang pagkakataon matapos ang 13 taon ay sa ibang koponan pumarada si James Yap at hindi sa Star.

Nanguna ang two-time PBA Most Valua-ble Player sa pagrampa ng Rain or Shine sa opening ceremonies ng 42nd PBA season.

Nasangkot si Yap sa trade sa off season matapos siyang ibigay ng Hotshots sa Elasto Painters bilang kapalit ni 2012 PBA Rookie of the Year Paul Lee.

Ngunit hindi kaagad makikita si Yap sa uniporme ng Rain or Shine, hahawakan ni Caloy Garcia matapos lumipat si Yeng Guiao sa NLEX.

Sinabi ng 6-foot-2 na si Yap na kasalukuyan pa siyang nagrerekober mula sa isang arthroscopic surgery sa nakaraang off-season.

“Nagpapalakas pa tayo at nagpapakondis-yon,” wika ni Yap.

Hindi maglalaro si Yap sa pagharap ng Elasto Painters kontra sa TNT Katropasa Miyerkules at laban sa Mahindra sa Nobyembre 30.

Show comments