OAKLAND, California — Pumukol si Klay Thompson ng dalawang tres sa huling bahagi ng labanan at tumapos ng season-high na 30 points upang ihatid ang Warriors, 133-120 panalo sa free-scoring game laban sa Phoenix.
Nagtala rin si Stephen Curry ng 30 points kasama ang limang triple habang may 29-points naman si Kevin Durant para sa Golden State na nagtrabaho ng husto upang maiwasan ang ikalawang pagkatalo sa sariling balwarte sa kaagahan ng season matapos matalo ng tig-dalawang beses lamang noong nakaraang dalawang seasons.
Si Thompson ay may 11-for-18 shooting kabilang ang limang tres at umiskor ng 14 points sa fourth.
Tumapos sina Eric Bledsoe at T.J. Warren ng tig-20 points para pangunahan ang anim na players na umiskor ng double figures para sa Suns.
Mas mahigpit ang labanan sa Oklahoma City, kung saan ang basket ni Serge Ibaka bago maubos ang huling segundo ng laro ang nagpanalo sa Orlando laban sa kanyang dating team habang bumangon naman ang Cleveland sa fourth quarter para sa kanilang home win laban sa Charlotte.
May pinatunayan ang bagong saltang player ng Orlando na si Ibaka laban sa dati niyang team na nag-trade sa kanya nitong offseason nang kanyang pangunahan ang Magic sa 119-117 panalo laban sa Oklahoma City.
Umiskor si Ibaka ng career-high na 31 points na kanyang kinumpleto ng kanyang game winning basket.
Tabla ang iskor sa huling minutong laro, nagmintis si Russell Westbrook ng jump shot para sa Thunder at nakuha ng Orlando ang rebound bago tumawag ng timeout, 11 segundo na lamang para i-set up si Ibaka na umiskor ng game winning shot sa huling 0.4 segundo ng laro.
Tumapos si Westbrook ng 41 points, 16 assists at 12 rebounds para sa kanyang ikatlong triple-double ngayong season at ika-40th sa kanyang career. Nanalo ang Thunder sa huling 20 pagkakataon na naka-triple-double si Westbrook.
Pinangunahan ni LeBron James ang Cleveland sa kanilang fourth-quarter comeback tungo sa 100-93 panalo laban sa Charlotte.
Umiskor si James ng 11 points sa fourth quarter matapos ang nakakadismayang 4-of-15 shooting sa unang tatlong quarters.
Tumapos si Channing Frye ng season-high na 20 at si James ay may 19 para sa Cavaliers na binabad si Kyrie Irving at Kevin Love sa bench sa fourth quarter nang di palitan ni coach Tyronn Lue ang grupong tumulong sa Cleveland na kontrolin ang laro.