MANILA, Philippines – Itataya ng defending champion Foton ang kanilang malinis na rekord kontra sa Cignal sa pagpapatuloy ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix eliminations sa San Juan Arena mamayang hapon.
Naagaw ng Tornadoes ang unang puwesto sa standings matapos gapiin ang 2015 Grand Prix runner-up Petron, 25-18, 23-25, 25-14, 19-25, 15-13 noong Martes sa pamamagitan ng mahusay na net defense sa pangunguna ni Jaja Santiago.
Subalit hindi makakapaglaro ngayon si Santiago dahil sasama siya sa training camp ng NU Lady Bulldogs sa Japan na tatagal ng 12-araw.
Bagama’t kulang, ihahandang mabuti ni Foton coach Moro Branislav ang kanyang koponan para sa darating nilang laro.
“I prepared my players to play different positions and made some adjustments without Jaja,” ayon kay Branislav. “Maybe I will give chance for Dindin (Manabat) to play middle (blocker). I will give her more important plays for next match.”
Sa panig naman ng Cignal na galing sa 22-25, 25-19, 21-25, 25-20, 15-14 panalo laban sa Generika, hindi rin makakapaglaro ang isa sa kanilang mga imports na sina Lynda Morales dahil sa natamong sprain sa kanyang kaliwang paa sa first set ng nasabing laban.
Magaganap ang kapana-panabik na Cignal-Foton match-up sa ganap na alas-3:00 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Petron at F2 Logistics sa ganap na alas-5:00 ng hapon.
Dadalhin ng Cargo Movers ang momentum ng kanilang three-game winning streak laban sa Tri-Activ Spikers na nais makabawi sa kanilang pagkatalo laban sa Foton.
Susubukan naman ng RC Cola-Army na tapusin ang kanilang three-game losing skid, laban sa Generika na hinahanap pa rin ang kanilang unang panalo sa kanilang laban sa alas-7:00 ng gabi. FML