Ika-12 sunod na panalo target ng La Salle

MANILA, Philippines – Susubukang pigilan ng University of the East ang hangarin ng La Salle na ma-sweep ang elimination round ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa kanilang muling pagtutuos sa Smart  Araneta Coliseum ngayong hapon.

Mag-uumpisa ang laro tampok ang dalawang koponan ganap na alas-2:00 ng hapon.

Kasalukuyang hawak ang malinis na 11-0 panalo-talo, nakaharang sa daan patungong 14-0 sweep na may kaakibat  na awtomatikong Finals berth para sa La Salle ang UE, na nasa ilalim ng standings taglay ang 2-8 na kartada.

Bagama’t wala na sa kanilang kamay ang tsansang makaabot sa Final Four, lalaban ang Red Warriors para buhayin ang kanilang kampanya ngayong season sa pangu-nguna nina Alvin Pasaol, Philip Manalang, Paul Varilla at team captain RR De Leon para makabawi sa 84-78 na pagkatalo sa Green Archers.

At upang magawa ito, kakailanganing limitahan ng depensa ng Red Warriors sina Jeron Teng at Ben Mbala kasama ang mga impresibong rookies na sina Ricci Rivero, Aljun Melecio at Justine Baltazar.

Samantala sa kasunod na laro, maghaharap ang University of the Philippines at National University bandang alas-4:00 ng hapon.

Parehong uhaw sa panalo ang dalawang koponan na nais tuldukan ang kanilang mga losing skid, dalawang sunod na laro para sa UP habang limang pagkatalo naman para sa NU.

Mahalagang laban ito para sa Bulldogs (4-7) na kasalukuyang nasa fifth place at naghahabol sa 5-5 na Adamson. Makakatapat nila ang 3-8 na Maroons na kailangang ipanalo lahat ng nala-labing laban sa second round upang  makahabol sa Final Four race.

Sa swimming competition, nagpatuloy ang paghahari ng Ateneo sa men’s division habang kinailangan ng University of the Philippines  na humataw sa huling araw ng kompetisyon upang mabawi ang women’s crown sa pagtatapos ng aksiyon sa Rizal Memorial Swimming Pool.

Sa pangunguna ni season MVP Aldo Batungbacal, dinomina ng Blue Eagles ang four-day meet sa pagkolekta ng 603 points para sa kanilang ikatlong  sunod na swimming title at ikaapat sa kabuuan. FML

Show comments