Pocari semis na
MANILA, Philippines - Nalusutan ng Pocari Sweat Lady Warriors ang Laoag Power Smashers, 25-13, 25-20, 26-24 kahapon upang makasiguro ng slot sa semifinals ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Confe-rence na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ipinakita ng Lady Warriors ang magandang depensa para mabura ang 15-22 bentahe ng Power Smashers sa pamamagitan ng 11-2 rally sa ikatlong set upang masungkit ang ikaapat sunod na panalo.
Umangat ang Pocari sa ikalawang puwesto sa 4-1 win-loss record, isang hakbang lamang sa likuran ng na-ngungunang University of Sto. Tomas na may 5-1 card.
Ang Laoag naman ay nakatikim sa kanilang ikatlong talo at bumagsak sa ikaanim na puwesto kasama ang University of the Philippines sa parehong 2-4 record.
Kailangang manalo ang Laoag kontra sa BaliPure bukas para manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa semis.
Ang UP Lady Maroons ay naglalaro pa laban sa Philippine Air Force habang sinusulat ang balitang ito.
Pinangunahan ni American import Breanna Mackie at locals na sina Myla Pablo at Michele Gumabao ang malaking panalo ng Lady Warriors. Pinahirapan naman nina American import middle blocker Andrea Kacsits at Desiree Dadang si Jorelle Singh at Grethcel Soltones na maka-iskor sa kanilang pagdomina sa harap ng net.
Sa apat na sunod na pagkakamali ng Laoag, nagawa ng Lady Warriors na itabla ang laban sa 24-24 at kinumpleto ni Pablo ang pagbabalik ng Pocari sa kanyang back-to-back kills.
Si Mackie ay humataw ng 21 puntos kabilang na ang 16 kills at dalawang service aces at limang digs sa depensa. Si Kacsits naman ay umiskor ng pito at anim mula kay Elaine Kasilag. Sina Dadang at Pablo ay mayroong limang puntos bawat isa.
Ang defending champion Cignal naman ay pumasok na sa semifinals makaraang talunin ang Phi-lippine Army Troopers, 18-25, 21-25, 28-26, 25-21, 15-13 sa 2nd Spikers’ Turf Reinforced Conference na ginanap sa parehong venue.
Ang dating National University star Peter Torres ay umiskor ng 15 puntos habang si Edmar Bonono at Lorenzo Capate Jr. ay tumulong ng 13 at 12 ayon sa pagkasunod para sa ikatlong panalo ng Cignal sa apat na laro.
- Latest