MANILA, Philippines – Umusad ang reigning champion Eczacibasi VitrA Istanbul sa finals matapos igupo ang karibal na VakifBank Istanbul, 25-23, 19-25, 25-17, 25-23 kahapon sa semifinals ng FIVB Women’s Club World Championship na hatid ng PLDT kahapon sa Mall of Asia Arena.
Impresibong performance ang ipinamalas ni Serbian star Tijana Boskovic sa attack zone, ngunit malaking bagay ang depensa ng Eczacibasi na nakalapit sa asam na back-to-back sa torneong ito na inorganisa ng Philippine Superliga at Eventcourt kasama ang TV5, Petron, Nature Spring, Asics, BMW and F2 Logistics bilang sponsors, Diamond Hotel bilang official residence at Turkish Airlines bilang official airlines.
Nauna rito, dinurog ng Rexona-Sesc Rio ang Bangkok Glass, 25-19, 25-15, 25-15 sa labanan para sa 5th to 8th place sa classification round ng world event na ito na sinuportahan din ng Philippine Sports Commission, Rexona, Mall of Asia Arena, Foton at Price Waterhouse Cooper kasama ang Mikasa, Jinling at Gerflor bilang technical sponsors.
Makakaharap ng 11-time Brazilian champions ang Hisamitsu Springs Kobe na tumalop sa PSL-F2 Logistics Manila, 25-15, 25-18, 25-21, sa isa pang classification match. ngayong alas-10:00 ng umaga.
Ang 19-gulang na si Boskovic, pinarisan ang Olympic record para sa pinakamabilis na serve, ay tumapos ng 17 kills, two blocks at three aces para sa 22 points para pangunahan ang Eczacibasi na nagbalik sa finals matapos talunin ang Di-namo Krasnodar ng Russia noong nakaraang taon.
“I’m very happy that we won, thanks to our defense,” sabi ni Eczacibasi VitrA coach Massimo Barbolini.