MANILA, Philippines – Ipinagpatuloy ng BaliPure ang kanilang magandang porma tungo sa 25-13, 25-23, 25-17 panalo laban sa University of the Philippines Lady Maroons kahapon sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference na ginanap sa Philsports Arena ng Pasig City.
Pinangunahan ng American import na si Kate Morrell at dating Ateneo stars na sina Dzi Gervacio at Amy Ahomiro ang Water Defenders upang makamit ang ikatlong sunod na panalo para umangat sa ikalawang puwesto sa 3-1 win-loss kartada kasama ang Bureau of Customs na nakikipaglaban pa kontra sa Pocari habang sinusulat ang balitang ito.
“We are very happy with the win but then again we can’t be complacent and we cannot be lax because our main goal really is to keep on improving each and every game,” sabi ni BaliPure veteran Charo Soriano. “As you can see there different rotations also that coach Tai is trying out.”
Umarangkada si Morrell ng 24 puntos kabilang na ang 19 kills, three kill blocks at dalawang service aces para sa Water Defenders.
Si Ahomiro naman ay nagdagdag ng siyam na puntos habang sina Sue Roces at ang import na si Kaylee Manns na tumulong rin ng 34 excellent sets sa kabuuang 42 attack points ay umani ng tig-pitong puntos at lima naman mula kay Gervacio.
Ipinakita ni Morrel ang kanyang husay lalo na sa ikalawang set kung saan umabot ng 22-all ang score. Pumalo siya ng dalawang sunod na puntos para ihatid ang Water Defenders sa set points at sa isang malakas na palo sa mukha ni Justine Dorog winakasan niya ang mainit na set.
Samantala, nanalo ang Champion Supra kontra sa Philippine Army, 25-13, 25-16, 25-22 sa 2nd Spikers’ Turf Reinforced Conference na ginanap sa parehong venue.