MANILA, Philippines – Sa pagdaraos ng Klub Don Juan De Manila kamakailan, umalingawngaw ang pangalan nina horse-owner Hermie Esguerra, jockey Jonathan B. Hernandez at horsetrainer Ruben Tupas.
Unang nakatikim ng panalo ang kuwadra ni Esguerra sa pagkakapanalo ng Salt And Pepper sa juvenile Colts na nagsubi ng P300,000 unang premyo.
Muling nagpasikat ang Esguerra stables sa pagkakapanalo naman ng Bossa Nova na mahusay na naigiya ni Hernandez sa juvenile fillies.
Hindi rito natapos ang kasiyahan nina Esguerra, Hernandez at Tupas dahil ang kanilang lahok sa pinakatampok na karera na Klub Don Juan De Manila derby ay pinagwagian din ng Dewey Boulevard para sa P900,000 premyo.
Muling nagdiwang si Hernandez nang maipanalo niya ang dehadong si Daiquiri Lass sa 1st leg ng three-year-old imported fillies.
Samantala, inilabas na rin ng karerahan ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite ang mga deklaradong kalahok para sa gaganaping 3rd Leg ng Juvenile Fillies/Colts stakes. Ito ay magaganap sa Linggo sa distansiyang 1,500 meters.
May kabuuang P1,000,000 ang papremyong inilaan ang Philippine Racing Commission kung saan ang kampeon ay mayroong P600,000.
Sa runner-up ay P225,000; sa ikatlo ay P125,000 at sa ika-apat ay P50,000.
Ang mga kasali ay sina Divine Dancer, Doshermanos Island, Guniguni, Habsburg Empire, Headmastership, Puerto Princesa, Salt And Pepper at Smoking Saturday. JM