MANILA, Philippines - Ang nangyaring pagkakamali sa mga nakaraang laro ang inaasahang mapag-iisipan ng Barangay Ginebra para sa hangaring tapusin ang kanilang championship series ng Meralco.
Umaasa si Gin Kings coach Tim Cone na magsisilbing leksyon sa kanyang koponan ang pag-suko ng double-digit leads at maghahabol sa fourth quarter laban sa Bolts.
“It’s the first time we’re in the lead in the series. But we’re not good at holding leads in the whole series,” wika ni Cone sa kanyang pagbabalik-tanaw sa itinalang 16-point leads ng Ginebra na nagresulta sa kanilang kabiguan sa Game One (114-109 sa overtime) at Game Three (107-103).
Naibasura rin ng Gin Kings ang malaking bentahe bago nakabangon para agawin ang tagumpay sa Games Two at Four.
Nawalang-saysay ang kanilang 15-point lead sa Game Two at 16-point margin sa Game Four.
Sa likod ni import Justin Brownlee ay kinuha ng Ginebra ang 92-81 panalo laban sa Meralco sa Game Five at iposte ang 3-2 series lead sa harap ng halos 22,000 fans sa Smart Araneta Coliseum noong Linggo.
Sa naturang laro ay naglista ang Gin Kings ng 21-point spread bago ito naputol ng Bolts sa five-point deficit sa dulo ng fourth period.
Sa kanilang best-of-five semis ng San Miguel Beermen ay kinuha ng Ginebra ang 2-1 lead bago nakalusot sa Game Five patungo sa Finals.
“That reminds us that we’re up but we haven’t closed anything. It’s a lot better than losing (Game Five) but it’s not a gua-rantee of anything,” sabi ni Cone. “We won back-to-back games but they’re capable of winning back-to-back, too,” dagdag pa ng mentor sa Meralco na winalis ang sumunod na 3-laro nila ng TNT Ka-Tropa matapos matalo sa Game One sa semis.