MANILA, Philippines – Tatlong kabayo na kasama sa naunang listahan ng mga nominadong tatakbo sa dalawang stakes races sa Linggo ang hindi isinama sa final line-up.
Ang imported runner na mula sa Australia na si Ava Natalia ay burado na sa gaganaping 1st leg ng mga three year old Imported Fillies Stakes races. At gayundin naman ang locally-bred na si Since When.
Si Marinx naman na isa rin sa de-kalidad na kabayo ay hindi na rin kasali sa ilalargang 2016 Philippine Racing Commission Sampaguita Stakes race.
Bunga nito, ang natirang tatakbo sa imported fillies ay anim. At sila ay sina Ava Jing Pot Pot at Medaglia Expresso na parehong mula Australia; Daiquiri Lass at Love Rosie na parehong mula USA at ang mga locally-bred thoroughbreds na sina Real Flames at Yongyong.
Hindi naman nabago ang distansiyang 1,600 meters gayundin ang papremyong P500,000 na ang magwawagi ay may P300,000; sa ikalawa ay P112,500; sa ikatlo ay P62,500 at sa ikaapat ay P25,000.
Anim na rin mula sa orihinal na pito ang siyang tatakbo para sa Sampaguita Stakes sa pareho ring distansiyang 1,800 meters.
Ang natirang anim ay sina Court Of Honour, Hook Shot, Skyway, Up And Away at ang coupled runners Gentle Strength at Malaya.
May garantisadong P1,500,000 pa rin ang papremyo kung saan ang kampeon ay may P900,000; sa runner-up ay P337,500; sa third placer ay P187,500 at sa fourth placer ay P75,000. Bukod rito ang breeder purse na P60,000 sa mananalong kabayo. JM