Unang titulo ni Nietes bilang flyweight

MANILA, Philippines – Bago ang laban ay sinabi ni dating two-division world champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na pababagsakin niya si dating Mexican world titlist Edgar Sosa kung makakakita siya ng pagkakataon.

Ngunit hindi ito nati-yempuhan ng tubong Murcia, Negros Occidental.

Sa halip ay isang boxing clinic ang ipinakita ng 34-anyos na si Nietes para kunin ang unanimous decision win laban sa 37-anyos na si Sosa sa kanyang unang laban sa flyweight division kahapon sa StabHub Center sa Carson, California.

“Hindi ako nagmadali na i-knockout si Sosa,” wika ni Nietes (39-1-4, 22 KOs) kay Sosa (52-10-0, 30 KOs). “Naghihintay ako ng timing na itumba siya, pero ang tibay din niya.”

Nagkaroon si Nietes ng tsansang mapatumba si Sosa, tinalo si Fil-Am Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria para sa bakanteng WBC light flyweight crown noong Abril 14, 2007, nang makakonekta sa mukha ng Mexican sa tenth round.

Ginamit ni Sosa, ang kanyang eksperyensa na yumakap nang yumakap kay Nietes para umabot sa round 12.

Ang naturang tagum-pay ni Nietes ang nagbigay sa kanya ng World Boxing Organization Inter-Continental flyweight belt.

Nakakuha si Nietes, dating nagdomina sa minimumweight at light flyweight divisions ng WBO bago umakyat sa flyweight class, ng magkakatulad na 120-108 iskor mula kina judges Max DeLuca, Alenjandro Rochin at Pat Russell para sa kanyang panalo kontra kay Sosa.

Malaki ngayon ang pag-asa ni Nietes na lu-maban para sa WBO flyweight title na binitawan ni unified title-holder Juan Francisco Estrada ng Mexico para umakyat sa super flyweight division.

Umakyat din sa nasabing dibisyon si ‘pound-for-pound’ king Roman Gonzalez ng Nicaragua.

Si Nietes ay No. 1 ranked sa listahan ng WBO sa flyweight division sa itaas nina Zou Shiming (WBO No. 2) ng China at Kwanpichit Onesongchai (WBO No. 3) ng Thailand na muling magsasagupa sa undercard ng upakan nina Sen. Manny Pacquiao at Mexican world welterweight king Jessie Vargas sa Nobyembre 5.

Ang mananalo sa pagitan nina Shiming at Onesongchai ang makaka-agawan ni Nietes para sa WBO flyweight crown.

Sa main undercard ng Nietes-Sosa fight, tinalo ni Mark “Magnifico” Magsayo (15-0-0, 6 KOs) si Mexican challenger Ramiro Robles via unanimous decision para mapanatiling suot ang WBO International fea-therweight belt. Pinatumba naman ni dating WBO bantamweight ruler ‘King’ Arthur Villanueva (30-1-0, 16 KOs) si Mexican Juan Jimenez sa second round sa kanilang rematch para sa WBO Asia Pacific bantamweight title.

Show comments