MANILA, Philippines – Inangkin ni Grand Master Eugene Torre ang bronze medal sa board three na tanging karangalang nakamit ng Philippine men’s team sa katatapos na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Tinalo ni Torre si International Master Moulthun Ly ng Australia para tumapos na may 10 points galing sa kanyang siyam na panalo at dalawang draws.
Nagtala ang 64-an-yos na si Torre ng performance ratings na 2836 para sa tansong medalya sa ilalim ng 2896 ni GM Wesley So ng United States at 2845 ni Hungarian GM Zoltan Almasi na inangkin ang ginto at pilak, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala lamang ang mga Pinoy ng 12 match points para tumapos sa pang-58 posisyon na pinakamasamang kampanya ng men’s team sa naturang biennial event na pinagharian ng United States sa pagbibida ni So.
Ang bronze medal ang unang medalyang nakamit ni Torre matapos siyang kumuha ng silver noong 1974 sa Nice Olympiad kung saan siya hinirang na kauna-una-hang GM ng Asya.
Hindi sapat ang panalo ni Torre para matikman ng Philippine men’s team ang 1.5-2.5 pagkatalo sa mga Australians.
Nakipaghati ng puntos si GM Julio Catalino Sadorra kay GM David Smerdon sa top board, ngunit natalo naman sina GMs John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. kina GM Zhao Zong Yuan at IM Anton Smirnov sa boards two at four, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos naman ang Philippine women’s squad sa ika-34 mula sa kanilang 13 points para lampasan ang pang-64 place performance noong 2014 sa Tromso, Norway.
Nabigo ang mga Pinay sa 12th seeded na Lithuanians, 1-3 sa final round.
Si Catherine Secopito ang tanging nakapaglista ng panalo matapos talunin si WIM Salomeja Zaksaite sa board three, habang yumukod sina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Shania Mae Mendoza kina GM Viktorija Cmilyte, IM Deimante Daulyte at WFM Daiva Batyte sa boards one, two at four, ayon sa pagkakasunod.
Kamakalawa ay hinirang si Frayna bilang unang Pinay na naging Woman GM bukod pa sa nakamit na men’s International Master title.