Magandang pagtatapos para sa GlobalPort

Si Anthony Semerad ng GlobalPort laban kay import Keala King ng Blackwater. PBA Image

MANILA, Philippines – Hindi ito isang PBA All-Star Game ngunit tila ito ang ipinakita ng GlobalPort at Blackwater sa sa kanilang no-bearing game kagabi sa 2016 PBA Governor’s Cup na dumako sa Ynares Center sa Antipolo City.

Isinara ng Batang Pier ang kanilang kampanya matapos gibain ang Elite, 139-126 para wakasan ang kanilang tatlong sunod na kamalasan.

Nagpasabog si veteran guard Joseph Yeo ng game-high na 37 points tampok ang 9-of-16 shooting sa three-point range para sa ikaapat na panalo ng Globalport sa 11 laro.

Nalasap naman ng Blackwater ang kanilang pang-walong dikit na kamalasan para muling magtapos na kulelat sa ikatlo sa kanilang anim na komperensya.

“It looked like an All-Star Game because we’re both out of the running,” sabi ni assistant coach Cholo Villanueva. “It’s just about pride and effort. Whoever has the pride and effort in this type of game will eventually get the win.”

Sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup ay nagtala ang Batang Pier ng 3-8 baraha matapos makapasok sa kanilang unang semifinals appearance sa PBA Philippine Cup.

Nagsimula naman ang kamalasan ng Blackwater noong Hulyo 27 at nakatakdang labanan ang nagdedepensang San Miguel sa kanilang huling asignatura sa Linggo.

Pinangunahan ni reinforcement Keala King ang Elite sa kanyang 28 points, habang may 22 si Roi Sumang, 21 si Arthur Dela Cruz, 14 si Carlo Lastimosa, 13 si Kyle Pascual at 11 si Bambam Gamalinda.

GLOBALPORT 139 - Yeo 37, Glover 34, Romeo 28, Pringle 14, Washington 13, Se-merad 8, Salvacion 3, Mamaril 2, Fortuna 0, Paredes 0.

Blackwater 126 - King 28, Sumang 22, Dela Cruz 21, Lastimosa 14, Pascual 13, Gamalinda 11, Pinto 7, Sena 6, Reyes 4, Golla 0.

Quarterscores: 32-38; 68-70; 99-97; 139-126.

Show comments