MANILA, Philippines - Nagtala si Grandmaster Eugene Torre ng 45-move win laban kay FIDE Master Daniel Anwuli sa kanilang larong puwedeng humantong sa draw para pangunahan ang Philippines sa 3-1 panalo laban sa Nigeria na nagbigay buhay sa kanilang kampanya sa 42nd World Chess Olympiad matapos ang tatlong rounds ng aksiyong ginaganap sa Baku, Azerbaijan Sundaynight.
Matapos lumamang ng pawn at magkaroon ng positional edge sa opening, nawala sa diskarte si Torre sa middlegame at habulin ang isa pang pawn na nagbigay pagkakataon kay Anwuli na makabawi at magkaroon ng tsansa sa draw nang magawa niyang atakihin ng rooks ang king ni Torre.
Ngunit nakahanap ng paraan ang 64-gulang na veteran na makabangon nang maibigay niyang lahat ang kanyang maliliit na piyesa at pagkatapos ng ilang palitan ay lamang na uli ng isang pawn ang Pinoy at nakapuwesto na ang kanyang queen.
Nanalo rin sina GMs John Paul Gomez at Banjo Barcenilla laban kina FM Bomo Kigigha at International Master Oladapo Adu sa boards one at three, ayon sa pagkakasunod para tabunan ang pagkatalo ni IM Paulo Bersamina kay Candidate Master Adeyinka Adesina.
Pumasok ang Pinoy team, natalo sa Paraguay sa naunang round, sa top 30 sa panalong ito at posibleng umangat pa kung mananalo sila sa Costa Ricans sa fourth round.
Ang panalo ng men’s team ay pampalubag loob sa masaklap na .5-3.5 pagkatalo ng women’s team laban sa seventh seed na India sa pagkabigo nina WIM Jan Jodilyn Fronda, Christy Lamiel Bernales at WIM Catherine Secopito to IM Rout Padmini, IM Sachdev Tania at WGM Swaminathan Soumya sa huling tatlong boards.
Naitakas ni Janelle Mae Frayna ang draw laban kay GM Dronavalli Harika.
Nauna rito ay ginulantang ng mga Pinay ang four-time champion Georgia, 2.5-1.5 na siya sanang pinakamalaking upset sa naturang tournament.
Napawi agad ang magandang panalo ng mga Pinay nang matalo sa mga Indians.
Susunod na makakalaban ng mga Pinay na sinuportahan ng Philippine Sports Commission sa biyaheng ito, ang Canada.