MANILA, Philippines - Handa si promoter Bob Arum na gamitin ang kanyang sariling Top Rank Promotions para isaere ang comeback fight ni Sen. Manny Pacquiao laban kay world welterweight titlist Jessie Vargas.
Ito ang sinabi kahapon ni Arum sa panayam ng RingTV.com matapos tanggihan ng broadcast network na HBO na dalhin ang bakbakan nina Pacquiao at Vargas sa pay-per-view.
Kukunin ng 84-anyos na promoter para makatulong sa promosyon ng laban nina Pacquiao (58-6-2, 38 KOs) at Vargas (27-1-0, 10 KOs) ang mga conventional networks kagaya ng CBS, NBC at ABC.
Gagayahin ng grupo ang sikat na ‘24/7’ series ng HBO para mahikayat ang mga pay-per-view buyers na tangkilikin ang bakbakan ng 37-anyos na si Pacquiao at ng 27-anyos na si Vargas, ayon kay Arum.
“We’re going to do major pieces that have never been seen before. We’re going to take cameras right into the Senate, see them considering bills. I think it’s going to be fascinating.”
Nakatakda ang comeback fight ni Pacquiao laban kay Vargas sa Nobyembre 5 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Ang dahilan ng HBO sa kanilang pagtangging dalhin ang laban nina Pacquiao at Vargas ay hindi umano ito makakahikayat ng mga pay-per-view buyers.
“Just like most human beings, you go and accept the status quo,” wika ni Arum kahapon sa panayam ng RingTV.com. “And so for years we’ve had this plan of having HBO distribute and it was convenient. Now, because of their position that we we’re too close to the Ward-Kovalev fight (on Nov. 19), we suddenly realized — who the hell needs them?”
Nauna nang nagretiro si Pacquiao noong Abril 9 matapos talunin si Timothy Bradley, Jr. sa kanilang pangatlong paghaharap at hangad na maagawan si Vargas ng hawak nitong World Boxing Organization welterweight crown. Isinama naman ni Arum sa undercard ng Pacquiao-Vargas championship fight ang pagdedepensa ni Nonito Donaire, Jr. (37-3-0, 24 KOs) sa kanyang bitbit na WBO super bantamweight title kontra kay Jessie Magdaleno (23-0-0, 17 KOs). (RC)