CLEVELAND - Inasahan na ni power forward Draymond Green ang pagbabalik sa serye ni Stephen Curry.
At ginawa ito ni Curry sa tamang panahon.
Nabigong kumamada sa unang tatlong laro sa NBA Finals, pinatahimik ni Curry ang kanyang mga kritiko nang ilapit ang Golden State Warriors sa kanilang back-to-back championship.
Tumapos ang two-time MVP na may 38 points, habang may 25 markers si Klay Thompson para ihatid ang Warriors sa 108-97 panalo kontra sa Cleveland Cavaliers sa Game 4.
“All the slander,” sabi ni Green kay Curry. “He’s a competitor. He’s been under a heavy microscope, and rightfully so. Two-time MVP, you’re expected to have a great game in the finals. He struggled the first three, tonight he was our guy.”
Sa apat na laro sa serye ay naglista lamang si Curry ng 48 total points.
Ngunit sa Game 4 ay nagsalpak siya ng pitong three-pointers at may apat naman si Thompson, ang kanyang ‘Splash Brother’, para sa 3-1 abante ng Warriors sa kanilang best-of-seven championship series ng Cavaliers.
“Business as usual,” wika ni Curry. “We answered the bell. We got back to who we are as a team.”
Ang Warriors, gumawa ng NBA history sa kanilang 73-win regular season, ay maaaring maging ika-pitong prangkisa na kumuha ng dalawang sunod na NBA titles kung muling mananalo sa Game 5 sa Lunes sa Oracle Arena.
Sa nasabing venue ay nagposte ang Golden State ng 50-3 record ngayong season.
Matapos dispatsahin ang Warriors mula sa isang 30-point victory sa Game 3 ay nabigo ang Cavaliers na itabla ang kanilang serye.
Hindi napigilan ni James at ng Cavaliers sina Curry, Thompson at maging si Harrison Barnes, kumonekta ng apat na triples para sa kanyang 14 points.
Pinangunahan ni Kyrie Irving ang Cleveland sa kanyang 34 points.
Wala pang koponan sa NBA Finals ang nakakabangon mula sa 1-3 deficit at nanalo ng korona.
Nagdagdag si LeBron James ng 25 points, 13 rebounds at 9 assists, ngunit may 7 turnovers para sa Cavaliers.
Sa kabila ng 1-3 agwat ay kumpiyansa pa rin si James na maibabalik nila ang serye sa Cleveland para sa Game 6.
“Let’s get one,’’ sabi ni James matapos ang laro.