MANILA, Philippines - Magbabalik sina veteran PBA imports Paul Harris, Bill Walker at Allen Durham ngunit para sa ibang koponan, habang maglalaro naman sina Asian hotshots Mohammad Jamshidi at Rodrigue Akl sa darating na PBA Governors’ Cup.
Si Harris ay kinuha ng Barangay Ginebra mula sa Tropang TNT, samantalang kakampanya si Walker para sa NLEX matapos sa Alaska Milk at si Durham ay lilipat sa Meralco galing sa Barako Bull.
Muli namang babandera sina Marqus Blakely at AZ Reid para sa Star Hotshots at San Miguel Beermen, ayon sa pagkakasunod.
Babalik din sa PBA sina Eric Dawson at Dominic Sutton para sa Blackwater at Globalport, habang hinugot ng Mahindra ang baguhang si James White.
Si Jamshidi, miyembro ng Iranian national team na nilabanan ang Gilas Pilipinas sa isang tune-up game ay magbabalik sa bansa matapos ang Turin FIBA OQT stint at maglalaro para sa Meralco Bolts.
Sasabak naman si Akl, ang longtime mainstay ng Lebanon national team, para sa Road Warriors.
Kagaya noong nakaraang taon, pinapayagan ang mga PBA teams na kumuha ng Asian reinforcements para itambal sa kanilang regular import. Ang Blackwater at Mahindra ay maaaring kumuha ng import na may height ceiling na 6-foot-9 kumpara sa iba pang tropa na puwede lamang humugot ng reinforcement na may height limit na 6-foot-5.
Ang mga pioneer Asian imports na napanood sa nakaraang season ay sina Sam Daghles para sa TNT, Michael Madanly para sa NLEX, Seiya Ando para sa Meralco, Chang Tsung-hsien para sa Kia, Omar Krayem para sa Globalport at sina Sanchir Tungalag at Kim Jiwan para sa Ginebra.
Nakapasok naman sa Final Four ang San Miguel Beer, Alaska Milk, Rain or Shine at Star na walang Asian imports.
Si Jamshidi ay sumisikat na Iranian player na maaaring gumawa ng impact sa Bolts. Sa taas na 6-foot-3, si Jamshidi ang kinokonsidera ngayong pambato ng Iranian national team dahil wala na ang dati nilang star player na si Nikkhah Bahrami. (NBeltran)