MANILA, Philippines – Bago pangasiwaan ng bansa ang Southeast Asian Games sa 2019 ay umaasa si Cong. Mikee Romero ng 1Pacman party list na magkakaroon ng isang modernong training center ang mga atleta sa Clark, Pampanga.
Naniniwala si Romero na ang kakulangan sa ma-kabagong sports facility ang naglaglag sa kampanya ng mga Filipino athlete sa mga nilahukang SEA Games, Asian Games at Olympic Games.
Kaya gusto ng team owner ng Globalport sa PBA na ngayon pa lamang ay masimulan na ang pagpopondo para sa pagtatayo ng bagong training center sa Clark, Pampanga.
Sa kanyang pag-upo sa Kongreso bilang kinatawan ng 1Pacman party list ay kaagad niyang hihi-lingin ang isang pulong sa hanay ng mga malalaking negosyante sa bansa.
“It should be a joint undertaking. We need to have the private sector, people like Danding Cojuangco, Ramon Ang, Manny Pangilinan, Wilfred Uytengsu and Jean Henry Lhuillier to partner with the government,” sabi ni Romero.
Ang pagkakaroon ng P1 bilyon bilang ‘seed money’ ang pangunahing nais ni Romero na maipon sa pakikipag-usap niya sa nasabing mga businessmen/sportsmen para maipatayo ang mo-dernong training center.
“Marami naman tayong sponsors and patrons. Let’s pull them together to create siguro ng mga P1 billion seed money and partner with the government to put up those infrastractures,” wika ni Romero, naging ‘Godfather’ ng basketball, cycling, baseball at volleyball at presidente ng national shooting association.
Ang naturang training center na plano ni Romero na maitayo sa 50 hanggang 100 ektaryang lupain sa Clark ang papalit sa nabubulok nang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Itinayo ang RMSC noon pang 1934.