MANILA, Philippines – Sisimulan ng Bali Pure ang kanilang kampanya sa Shakey’s V-League Open Conference ngayong hapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Makakatapat ng Bali Pure ang Philippine Air Force sa ganap na alas-4 ng hapon.
Sa kasalukuyan ay hindi pa kumpleto ang line-up ng Bali Pure dahil sa obligasyon ng iba sa kanilang mga manlalaro.
Hindi pa makakalaro sina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez, dating NCAA MVP Gretchel Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian dahil sa mga nakatakda nilang exhibition matches at volleyball clinics sa London.
Sa darating na June 8 pa makakabalik ang tatlo, habang hindi pa nakukuha nina Jem Ferrer at Ella De Jesus ang clearance nila mula sa kanilang mother company na PLDT.
Kasama sina De Jesus at Ferrer sa line-up ng Bali Pure, ngunit hindi pa maaring makapaglaro dahil sa hinihintay na clearance mula sa PLDT.
Inaasahan ni playing coach Charo Soriano na masusubukan ang kakayahan ng kanyang koponan sa mga unang laro sa Open Conference.
“We haven’t really practiced as a team so we expect it to be a little challenging in our first few games. Hopefully, we could be complete soon and start to be competitive,” pahayag ni Soriano.
Makakalaban nina Soriano ang Philippine Air Force na pangungunahan nina Iari Yongco, Judy Caballejo, Joy Cases Jennifer Manzano at May Pantino.
Kasunod ng laro ng Bali Pure-Air Force ay ang labanang Laoag Power Smashers kontra Team Iriga sa alas-6:30 ng gabi.
Hangad ng Power Smashers na makabawi sa pagkatalo sa NU noong Sabado at susubukan namang manalo ng baguhang Team Iriga sa V-League.
Mauuna rito ay ang pagpapatuloy ng Spikers’ Turf sa ala-1 ng hapon tampok ang laro ng Reinforced Conference champions na Cignal kontra sa Bounty Fresh.