D-League Foundation Cup didribol sa Hunyo 2
MANILA, Philippines – Magbabalik-aksyon ang 2016 PBA D-League sa Hunyo 2 para sa pag-sisimula ng Foundation Cup.
Pitong koponan ang maglalaban-laban para sa kampeonato na kasalukuyang hawak ng CafeFrance Bakers.
Matatandaang nabigo ang Bakers sa kamay ng Phoenix-FEU Accelerators sa isang five-game series sa katatapos na Aspirant’s Cup na umabot sa Game Five.
Pagkakataon naman ngayon ng Accelerators na makuha ang back-to-back championships.
Hindi magiging madali ang pagdedepensa ng Bakers at ang pagsubok ng ikalawang sunod na kampeonato para sa Accelerators dahil nakaharang sa kanilang daraanan ang Racal Tile Masters, Tanduay Rhum Makers, AMA Online Education at Mindanao Aguilas na muling sasali sa Foundation Cup.
Bukod sa mga nabanggit na koponan, kalahok rin ang bagong team na Blustar Detergent Dragons na pamumunuan ni Asean Basketball League (ABL) champion coach Ariel Vanguardia.
Kasama ni Vanguardia ang kanyang mga manlalaro mula Malaysia at ang mga Fil-foreigners na sina Jason Brickman at Matthew Wright.
Gagamitin ng PBA D-League sa unang pagkakataon ang double-round robin para sa eliminations kung saan aabante sa semis ang top 4 teams at magbabaon ng ‘twice-to-beat’ incentive ang No. 1 at No. 2 squad.
Sakaling magkaroon ng tabla sa standings matapos ang eliminations, babasagin ito sa pamamagitan ng quotient system.
Maghaharap naman sa isang best-of-three series ang mananalo sa semis series.
- Latest