Meralco, Alaska, Ginebra, SMBeer naghahanda na

MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Meralco, Alaska Milk, Barangay Ginebra at San Miguel Beer para sa agawan sa Top Two sa pagbabalik ng 2016 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum sa Easter Sunday.

Bumabandera ang apat na koponan sa mid-season tourney na pansamantalang magpapahinga para sa obserbasyon ng Mahal na Araw.

Nangunguna ang Meralco sa kanilang 6-2 win-loss card kasunod ang Alaska at Ginebra na may magkatulad na 5-3 marka at ang San Miguel na nagdadala ng 4-2 baraha.

Ang naturang apat na koponan ay magpipilit na maipanalo ang kanilang mga huling laro sa eliminasyon sa hangaring makuha ang Top Two spot na may katumbas na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.

Ang mga koponang magtatapos sa No. 3 hanggang No. 6 ay maglalaban sa best-of-three quarterfinal series at ang apat na nasa ilalim ay tuluyan nang masisibak sa torneong pinagharian ng Talk ‘N Text noong nakaraang taon laban sa Rain or Shine.

Magkakatabla ang Texters, Elasto Painters, Mahindra Enforcers at Star Hotshots (4-4) sa magkakapareho nilang 3-4 baraha kasunod ang NLEX (3-4), Blackwater (3-5) at Phoenix (2-5).

“Twice-to-beat is a big advantage. It’s a lot more dangerous for any team to go through the best-of-three,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria.

May limang laro pang natitira ang Beermen sa eliminasyon at ito ay laban sa Hotshots, Ginebra Kings, Road Warriors, Fuel Masters at Tropang Texters.

Makakatapat naman ng Ginebra ang Talk ‘N Text, San Miguel at Meralco, habang sasagupain ng Bolts ang Mahindra, Alaska at Ginebra.

Haharapin ng Aces para sa huli nilang tatlong laro ang Hotshots, Bolts at Road Warriors.

Sa nalasap na dalawang sunod na kamalasan ay inaasahang mag-iisip ang Alaska coaching staff kung sasandal pa rin kay import sub Shane Edwards o muling paglalaruin si original import Rob Dozier na nakarekober na sa foot injury.

Matapos ang limang sunod na ratsada ay nabigo ang Aces sa Beermen at Enforcers.

 

Show comments