MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ni Manny Pacquiao ang kanyang pag-eensayo sa ikalawang sunod na araw.
Ngunit hindi nag-aalala si chief trainer Freddie Roach sa ipapakita ni Pacquiao sa kanilang upakan ni Timothy Bradley, Jr. sa Abril 9.
Imbes na sumabak sa mabigat na pagsasanay ay mas pinili ng 37-anyos na si Pacquiao, nagmula sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2, na magpahinga sa kanyang mansyon sa General Santos City.
Ilang linggo nang nagpapapawis ang 37-anyos na si Pacquiao kasama si Roach para paghandaan ang laban sa 33-anyos na si Bradley.
Apat na rounds ang ibinuhos niya laban kay Ghislain Maduma ng Congo noong Martes na maaaring napasobra sa hangad niyang mapabilib ang kanyang American trainer.
Sinabi ni Filipino trainer Buboy Fernandez na walang ipinakitang epekto si Pacquiao kaugnay sa kanyang right shoulder injury sa kanilang sparring ni Maduma.
Ito ang unang sparring session ni Pacquiao sa nakaraang 10 buwan at tila sumakit ang kanyang katawan.
Namaga ang kanyang kanang mata at nagpahinga na lamang noong Miyerkules.
Kahapon ay hindi sumabak si Pacquiao sa kanyang roadwork at gym session at nakatakda sanang makipag-spar kay Maduma.