MANILA, Philippines – Mas tataas ang antas ng kompetisyon sa Philippine Superliga (PSL) sa paglahok ng isang club team mula sa Thailand sa 2016 PSL Invitational Cup na magbubukas sa Feb. 18 sa The Arena sa San Juan.
Kinumpirma kahapon ni PSL president Ramon “Tats” Suzara ang pagdating ng Thai squad matapos ang kanilang pakikipag-usap sa Thailand Volleyball Association.
“Our goal is not only to provide excitement, but also to give PSL teams a chance to compete against the best club team in the region and, probably, in Asia,” wika ni Suzara, inaasahan ang pagdagsa ng mga volleyball fans sa nasabing prestihiyosong torneo na isasaere nang LIVE ng TV 5.
“It’s going to be an exciting tournament and it will be interesting to see how our local club teams will fare against our Thai visitors,” dagdag pa nito.
Hindi pa tukoy ni Suzara, isang ranking exe-cutive ng International Volleyball Federation (FIVB) at Asian Volleyball Confederation (AVC), ang Thai team, ngunit sinabing lalaban ang koponan sa semifinals laban sa tatlong qualifiers ng torneo na magsisilbing pampagana para sa All-Filipino Cup at Grand Prix.
Ang Thailand ay isang powerhouse sa women’s volleyball sa rehiyon at ang kanilang women’s national team ay 12 sunod na beses kumuha ng gold medal sa Southeast Asian Games.
Ang mga Thais ang nagreyna sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore kung saan pumang-lima ang Pilipinas.
Kabilang sa mga elite teams sa Volleyball Thailand League ay ang 3BB Nakhonnont, Nakhon Ratchasima, Supreme Chonburi E-Tech at Bangkok Glass -- ang reigning champion na binabanderahan nina national team members Pleumjit Thinkaow, Pornpun Guedpard at dating PSL reinforcement Wanida Kotruang.
Inaasahang tatapat sa Thai team ang Petron at Foton, sumabak sa nakaraang title clash ng Grand Prix.
Magbabalik naman ang three-time champion Philippine Army, habang magbibigay ng matinding laban ang Cignal at mga rookie teams na F2 Logistics at San Jose Builders.