WASHINGTON -- Humataw si Stephen Curry ng 51 points at dinuplika ang kanyang career high na 11 3-pointers para gabayan ang Golden State Warriors sa 134-121 panalo laban sa Washington Wizards.
Itinala ng Warriors ang kanilang pang-walong sunod na panalo.
Nagsalpak si Curry ng 13 sa kanyang unang 14 tirada at may 36 points na pagsapit ng halftime.
Pinantayan ng defending champion Warriors (45-4) ang nagawa ng 1966-67 Philadelphia 76ers para sa best 49-game start sa NBA history.
Pinamunuan naman ni John Wall ang Wizards sa kanyang season-high 41 points at 10 assists.
Sa Oklahoma City, inirehistro ni Russell Westbrook ang kanyang pangatlong sunod na triple-double sa tinapos na 24 points, career-high 19 rebounds at 14 assists para akayin ang Thunder sa 117-114 pagtakas sa Orlando Magic.
Kumonekta si Kevin Durant ng isang 3-pointer sa natitirang segundo para magposte ng 37-point performance at tulungan ang Thunder na makuha ang kanilang ika-limang dikit na ratsada.
Kumamada si Victor Oladipo ng 37 points sa panig ng Magic, naipatalo ang 14 sa kanilang huling 16 laro.
Sa San Antonio, humakot si LaMarcus Aldridge ng 36 points para ihatid ang Spurs sa 27-0 record sa kanilang balwarte ngayong season matapos talunin ang New Orleans Pelicans, 110-97.
Naipanalo ng Spurs ang 36 sunod na laro sa kanilang homecourt simula noong nakaraang season.
Binanderahan ni Anthony Davis ang Pelicans sa kanyang 28 points at 10 rebounds.