MANILA, Philippines – Matapos iposte ang malaking 3-0 bentahe ay natalo ang Alaska sa nagdedepensang San Miguel ng tatlong sunod na nagtabla sa kanilang championship series sa 3-3.
Nakatakdang pag-agawan ng Aces at Beermen ang korona ng 2016 PBA Philippine Cup sa Game Seven sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumpara sa Alaska, mas makikinabang ang San Miguel sa naturang four-day break.
“I think the rest is actually better for San Miguel than us,” sabi ni Aces’ coach Alex Compton na nakalasap ng 89-100 kabiguan sa Beermen sa Game Six noong Biyernes na nagtabla sa kanilang best-of-seven title series sa 3-3.
Sa naturang break ay inaasahang mas mapapahinga ang left knee injury ni back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.
Mula nang magkaroon ng injury sa semifinals wars ng San Miguel at Rain or Shine ay sa Game Five lamang muling nakapaglaro ang 6-foot-10 na si Fajardo.
Sa panalo ng Beermen sa Game Five ay umiskor si Fajardo, ang Best Player of the Conference, ng 13 points kasunod ang kanyang 16 markers sa Game Six.
Sinabi ni San Miguel mentor Leo Austria na hanggang ngayon ay hindi 100 percent na nasa kondisyon si Fajardo dahil sa kanyang knee injury.
“I think June Mar will be able to recover,” wika ni Austria sa Cebuano star. “Until now, he’s only seventy percent. I hope in Game Seven, maka-eighty-five to ninety na.”
“Sa first three games sa finals, sobrang na-frustrate talaga ako. Pinaghirapan naming ‘yung off-season. Goal naming makarating sa finals tapos na-injured ako. Siyempre, nakaka-frustrate ‘yun. Wala akong ibang maitulong sa teammates ko,” litanya naman ni Fajardo.