MANILA, Philippines – Nakopo ng College of Saint Benilde ang titulo sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament matapos ang 25-22, 25-23, 22-25, 25-22 panalo laban sa San Sebastian College sa pagtatapos ng kanilang titular showdown sa The Arena sa San Juan City.
Nagtrabaho ng husto sina open hitter Janine Navarro, middle blockers Ranya Musa at Jeanette Panaga para tulungan ang Lady Blazers na makopo ang titulo sa pagtatala ng 18, 17 at 16 puntos ayon sa pagkakasunod para tapusin ang serye sa 3-1 panalo-talo kontra sa San Sebastian na nasayang ang hawak na thrice-to-beat advantage.
“Masarap ang feeling dahil ito na yung pinakahihintay namin. Lahat ng paghihirap namin nasuklian. Yun ang testament ng team namin, hindi kami sumuko kahit gaano kahirap. Lahat ibinigay nila para makuha namin ito,” pahayag ni St. Benilde head coach Michael Cariño.
Nauna nang nagwagi ang St. Benilde sa Game 1 (24-26, 25-21, 25-19, 25-13) at Game 2 (25-23, 21-25, 25-22, 25-16) habang nanaig naman ang San Sebastian sa Game 3 (25-22, 25-19, 26-28, 25-23).
Nakapagtala ang Lady Blazers ng 47 kabuuang atake at 13 blocks habang nakapagbigay ng 19 excellent sets si team captain Djanel Welch Cheng na engradeng tinapos ang kaniyang collegiate career tangan ang makislap na medalya sa kaniyang dibdib.
“Same lang ang ginawa namin sa Game 1 and Game 2. Mas nag-enjoy lang kami sa Game 4. Kailangan pag naglalaro ka buong-buo ang puso mo, yun ang importante,” sambit ni Cheng.
Nasungkit ni Panaga ang Finals Most Valuable Player (MVP) award habang kinilala si Cariño bilang Coach of the Year.