CLEVELAND -- Humataw si LeBron James ng 21 points bago pinagpa-hinga sa fourth quarter, habang humakot si Kevin Love ng 21 points at 11 rebounds para pangunahan ang Cavaliers sa 115-93 paggiba sa Phoenix Suns.
Malamya ang ipinakita sa unang 24 minuto, binuksan ng Cavs ang second half sa pamamagitan ng 12-0 run at ipinalasap sa Suns ang pang-17 kabiguan nito sa huling 19 games.
Itinaas ng Cleveland sa 2-1 ang kanilang record sa ilalim ng bagong coach na si Tyronn Lue, pinalitan si David Blatt noong nakaraang linggo.
Dahil sa panalo ay kakatawanin ni Lue at ng Cavs coaching staff ang Eastern Conference sa All-Star Game sa Feb. 14 sa Toronto.
Pinamunuan naman ni rookie Devin Booker ang Phoenix sa kanyang 16 points at nagdagdag ng tig-13 markers sina P.J. Tucker at Markieff Morris.
Sa San Antonio, kumolekta si LaMarcus Aldridge ng 25 points at 10 rebounds at nakabangon ang Spurs mula sa kanilang nakakadismayang pagkatalo nang durugin ang Houston Rockets, 130-99.
Ito ang ika-25 sunod na home win ng San Antonio (39-7) ngayong season.
Sa naturang 30-point loss sa Golden State Warriors ay nalimitahan si Aldridge sa 5 points at 3 rebounds.
Kumolekta ang San Antonio ng 32 assists para pigilin ang three-game winning streak ng Houston. Tumipa si James Harden ng 20 points.
Sa Atlanta, naglista si Jamal Crawford ng 21 points at muling nanalo ang Los Angeles Clippers nang wala si Blake Griffin sa 85-83 pagtakas sa Hawks.
Napuwersa ang Hawks sa season-high 23 turnovers ngunit nagkaroon ng tsansang makatulak ng overtime nang mabitawan ni Chris Paul ang bola mula sa inbounds pass makaraan ang free throw ni Al Horford.
Muling napasakamay ng Atlanta ang bola sa huling 6.7 secgundo at ibi-nigay kay Paul Millsap na sumalaksak laban kay Luc Mbah a Moute ngunit kinapos ang itinirang running one-hander.
Nakuha ng Clippers ang kanilang ika-14 panalo sa huling 17 games.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Los Angeles matapos mabunyag na hindi makakalaro si Griffin sa apat hanggang anim na linggo bunga ng kanyang nabaling shooting hand dahil sa pagsuntok sa isang staff member.
Humingi siya ng paumanhin sa pamamagitan ng kanyang Twitter.
Nagtala naman si DeAndre Jordan ng 13 points at 19 rebounds para sa Clippers. Pinangunahan ni Jeff Teague ang Atlanta sa kanyang 16 points.