Nobody But You, Wo Wo Duck wagi
MANILA, Philippines – Nagwagi sa tampok na karera noong Linggo na Philippine Racing Commission/Manila Jockey Club Incorporated New Year Racing Festival (SR16) ang third pick na Nobody But You na pinatungan ng isang class-D rider na si E.D. Camañero Jr.
Pinakahuling lumabas sa aparato ang may pitong taong kastanyang kabayo mula sa Baseball Champion at inahing Galapagos, unti-unting nailapit ni Camañero ang sakay na kabayo sa mga nangunguna para agawin ang unahan bago pumasok sa huling kurbada.
Ang unang nagdikta ng trangko ay ang first pick na Count Me In na nirendahan ni J.A. Guce kasunod ang Alta’s Choice na pinatungan ni A.G. Avila at second choice na I Am Alert na ginabayan ni apprentice O.P. Cortez.
Nakalapit ang Nobody But You sa mga kalaban sa kalagitnaan ng 1,300 metro distansiyang karera at sinamantala ni Camañero na maiusad pa ang kabayo ni A.T. Chua Jr., na kinukundis-yon ni Edwin Vitali nang makakita siya ng puwang sa may balya.
Sa rektahan ay dalawa na lamang sila ni I Am Alert na nasa bandang kalabasan para sa isang battle royale na parematehan. Pero sa huli ay na-naig ang Nobody But You na may two horselenght pang agwat sa sumegundong I Am Alert at panibagong three horselenght sa terserong si Casablanca.
Binagtas ng Nobody But You ang kabuuan ng karera sa bilis na 1:24.2 para angkinin ang panalo.
Nambulaga naman ang Wo Wo Duck na siyang pinakadehadong nanalo noong Linggo sa matatag ang pagpaparemate ni Jordan Cordova sa panlaban na ito ni Atty. Sixto S. Esquivias IV at kinundisyon naman ni Renato R. Yamco.
Ang higit na kamangha-mangha sa pagkakapanalo ng Wo Wo Duck ay ang talunin niya ang higit na pinapa-borang Messi na pumasok sa top ten ng highest horse earners nitong nagdaang taong 2015.
Ang imported runner na Eugenie, malayong second choice, ang siyang pumangalawa at sa ikatlong puwesto lang ang Messi na hindi na nagawa pang makaremate. (JM)
- Latest