OAKLAND, California – Kahit may NBA-record 24-0 start, hindi puwedeng maliitin ng Golden State si Stephen Curry at ang buong San Antonio Spurs.
Makakaharap na ngayon ng defending champion Golden State Warriors ang koponang humahabol sa kanila sa Western Conference sa isang showdown ng dalawang NBA title teams.
“That’s going to be one of the fun things about this game is that we haven’t played them yet. It’s already almost February. It’s a strange schedule,” sabi ni Golden State coach Steve Kerr pagkatapos ng kanilang practice nitong Linggo. “Win or lose, both teams will really benefit from playing against each other.”
Nag-usap ang magkaibigang Kerr at Gregg Popovich sa telepono nitong Huwebes ng gabi matapos bumalik si Kerr mula sa ilang buwang leave- of-absence para magrekober mula sa operasyon ng kanyang likod, sakto sa pagharap ng kanyang koponan laban sa coach na nagturo sa kanya at sa mainit na San Antonio.
Pagkatapos nilang magbatian, magkamayan at magyakapan bago magsimula ang laro, magtatagisan sila sa pagko-coach ng kani-kanilang koponan sa inaasahang magandang labanang ito.
Panonoorin ni Tim Duncan ang laban ng San Antonio Spurs at Golden State Warriors kagaya ng mga fans.
Bago ang inaabangang showdown sa pagitan ng top two teams, ang 40-4 defending champion na Warriors at ang 38-6 Spurs — ay inihayag ni coach Gregg Popovich na hindi maglalaro si Duncan.
Sinasabing mas gustong ipahinga ni Popovich ang 39-anyos na si Duncan kaysa paglaruin laban sa Warriors.
Maaari ding nais ni Popovich na pa-galingin ang sumasakit na kanang tuhod ni Duncan kaya niya ipapahinga ang kanilang sentro laban sa Golden State.