MANILA, Philippines – Ang paghahayag ng Smart Player of the Year ang itatampok sa awarding ng mga pinakamahuhusay na players sa nakaraang varsity season sa pagdaraos ng UAAP-NCAA Press Corps at Smart Sports ng Collegiate Basketball Awards ngayong gabi sa Saisaki-Kamayan EDSA.
Ang mananalo ng prestihiyosong award na ibinibigay ng mga kumokober ng collegiate beat ay pipiliin sa mga miyembro ng Collegiate Mythical Five.
Ito ay sina Ateneo gunner Kiefer Ravena, Mapua import Allwell Oraeme, Far Eastern University forward Mac Belo, University of Santo Tomas guard Kevin Ferrer at University of Perpetual Help star Scottie Thompson.
Ang awards night, pamumunuan ni ABS-CBN Sports courtside reporter Ceej Tantengco bilang host ay magpaparangal din kina coaches Aldin Ayo, da-ting nasa bench ng Letran, at Nash Racela ng FEU sa paggiya sa kanilang mga koponan sa NCAA at UAAP championship.
Pararangalan din sa event na suportado ng ACCEL Quantum-3XVI, Gatorade, UAAP Season 78 host University of the Philippines, NCAA Season 91 host Mapua, San Miguel Corporation at Philippine Sports Commission si legendary coach Aric del Rosario.
Tatanggapin ni Del Rosario ang Lifetime Achievement Award para sa kanyang mga nakamit na kampeonato kabilang na ang four-peat ng UST noong 1990s.
Makakasama siya ni San Beda high school mentor Ato Badolato bilang tanging nabigyan ng naturang award.
Ang iba pang awardees ay sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran (Pivotal Player), San Beda guard Baser Amer, Letran playmaker Mark Cruz at FEU scorer Mike Tolomia (Super Senior), San Beda guard Art dela Cruz at sina Ed Daquioag (Impact Player) ng UST at Jiovanni Jalalon (Accel Court General) ng Arellano at La Salle forward Jeron Teng (Gatorade Energy Player).