Cavaliers bigo sa Bulls kasama ang bagong coach

CLEVELAND – Kabiguan ang nalasap ni Tyronn Lue sa kanyang coaching debut para sa Cleveland Cavaliers matapos humakot si Pau Gasol ng 25 points para pamunuan ang Chicago Bulls sa 96-83 panalo.

Nahirang si Lue bilang kapalit ni David Blatt na nagdala sa Cavaliers sa nakaraang NBA Finals at sa pangu-nguna sa Eastern Conference.

Wala namang naging epekto ang nasabing coaching swap sa Bulls na naunahan ang Cavs sa mga loose balls para sa kanilang ikatlong panalo sa siyam na laro.

Umiskor si Jimmy Butler ng 20 points habang may 17 si Nikola Mirotic at 15 si Taj Gibson para sa Chicago, nagtala ng 17-point lead sa third quarter at hindi na nilingon pa ang Cavs sa fourth period.

Naglista naman si LeBron James ng 26 points, 13 rebounds at 9 assists habang nagdagdag si J.R. Smith ng 18 points.

Sa Phoenix, nagsalpak si Archie Goodwin ng isang 3-pointer sa natitirang 0.1 segundo para igiya ang Suns sa 98-95 pagtakas sa Atlanta Hawks at wakasan ang kanilang six-game losing slump.

Tumapos si Goodwin na may 24 points para sa ikalawang panalo ng Phoenix sa 17 games.

Dinuplika naman ni Tyson Chandler ang Suns record na 27 rebounds, kasama dito ang 17 sa first half, bukod pa sa kanyang 13 points at season-high na 5 assists.

Pinamunuan ni Kent Bazemore ang Hawks sa kanyang 21 points.

Isinalpak ni Bazemore ang panablang 3-pointer sa huling 47.4 segundo, ngunit ang tip in ni Chandler sa nalalabing 24.6 segundo ang nagbigay sa Suns ng 95-93 lead.

Muling itinabla ni Bazemore ang Atlanta matapos ang limang segundo.

Nagtala si Alex Len ng 16 points at 12 rebounds para sa Suns, samantalang nag-ambag si P.J. Tucker ng 16 points kasunod ang 15 ni Devin Booker.

Show comments