MANILA, Philippines – Dahil sa kanilang pamamayagpag sa Southeast Asian region hanggang sa world stage, napasama ang Wushu Federation of the Philippines (WFP) sa honor roll list ng Annual Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel Corp.
Hihirangin ang Wushu federation bilang National Sports Association (NSA) of the Year sa Feb. 13 formal rites na pamamahalaan nina broadcaster at sports analyst Quinito Henson at Patricia Bermudez-Hizon sa One Esplanade sa Pasay City.
Tinapos ng WFP ang 2015 sa pamamagitan ng pagkolekta ng dalawang gold medals sa 13th World Wushu Championships sa Jakarta, Indonesia mula kina Divine Wally at Arnel Mandal.
Nanalo ang 19-anyos na si Wally, tubong Baguio City, sa 48 kg division nang talunin si Luan Thi Hoang ng Vietnam sa final, 2-0.
Naghari naman ang 20-anyos na si Mandal ng Iloilo City sa men’s 52-kg sanda finals matapos gibain si Uchit Sharma ng India, 2-1.
Nauna nang napabilang sina Wally at Mandal para sa labanan sa Athlete of the Year award na ibinigay ng sportswriting fraternity kina world boxing champion Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. at Asian Tour winner Miguel Tabuena.
Hinirang na ang WFP bilang NSA of the Year ng PSA sa kanilang traditional awards night na inihahandog din ng MVP Sports Foundation, Smart, Maynilad, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Senator Chiz Escudero, Smart Holdings, ICTSI, Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Globalport, Rain or Shine at Philippine Amusement and Gaming Corp.
Sinimulan ni Daniel Parantac ang ratsada ng mga Filipino wushu bets nang angkinin ang nag-iisang gold medal ng wushu sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore matapos manalo sa men’s optional taijiquan at daigin ang mga pambato ng Malaysia at Indonesia.
Muling gumawa ng ingay ang national team nang mangibabaw sa Asian Junior Wushu Championship sa likod ni Ken Alieson Omengan sa Xilinhot, Inner Mongolia, China.
Pinamunuan ni Omengan ang four gold medal haul ng bansa nang magdomina sa boys’ nanquan at nandao events na dumuplika sa kanyang two-gold medal output noong 2013 edition sa Manila.
Nagdagdag naman sina Agatha Chrystenzen Wong at Spencer Bahod ng dalawa pang golds sa boys at girls’ taiijian events, ayon sa pagkakasunod.
Makakasama ng WFP sa limelight ang dalawa pang top awardees ng gala night na tatampukan din ng Gilas Pilipinas (President’s Award), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball) at ang cage duo nina Calvin Abueva at Terrence Romeo (Mr. Basketball) at iba pa.