MANILA, Philippines – Hindi na ganoong kalayo ang Rio de Janeiro Olympics na lalarga sa August 5, kaya naman kaila-ngang ibigay ang lahat ng suportang kakailanganin ng mga atletang naghahangad na makakuha ng slot sa Olympics sa pamamagitan ng pagsali sa mga qualifying tournaments.
Ito ang sintimiyento ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na nababahala sa posibilidad na iilan lamang ang ipapadalang atleta ng Pinas sa Rio Olympics dahil sa ngayon ay tanging ang Olongapo-born hurdler na si Eric Shauwn Cray pa lamang ang siguradong kasali sa Olympics.
Nag-qualify si Cray sa Olympics matapos magtala ng 49.12 sa 400-meter hurdles noong May ng nakaraang taon para lampasan ang qualifying standard na 49.40 seconds.
Inaasahan namang pormal na makakasiguro na rin ng ticket papuntang Rio de Janeiro ang weightlifter na si Hidilyn Diaz sa huling leg ng Asian Championship sa Uzbekistan sa April. Halos sigurado na si Diaz sa Rio Olympics matapos makakuha ng tatlong bronze medals sa International Weightlifting Federation World Championship sa Houston noong November.
Muntik nang makakuha ng Olympic slot si trap shooter Hagen Topacio ngunit hindi tinanggap ng International Olympic Committee (IOC) ang kanyang points sa Asian Shooting Championship na ginanap sa Kuwait matapos bawiin ang pagkilala sa tournament bilang official Olympic qualifier dahil sa problema sa host country.
Hindi binigyan ng Kuwaiti organizers ng visa ang isang Israeli participant para bawiin ng IOC ang recognition sa naturang torneo.
Dahil dalawang atleta pa lamang ang sigurado sa ngayon, hinimok na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang mga national sports association na may atletang may pag-asa sa Olympics na mag-inquire na ng wild card slots mula sa IOC
Sinabi ni Olympic chief of mission Joey Roma-santa na siya ring POC vice president na ang mga atletang hindi papasa sa mga Olympic qualifying tournaments ay maaari pang makasama sa Rio Olympics sa pamamagitan ng universality place o wildcard berths ng IOC para sa mga bansang kaunti lang ang lahok sa Olympics.
Ang iba pang atletang magtatangkang mag-qua-lify sa Olympics ay sina BMX rider Daniel Caluag, golfers Miguel Tabuena, Angelo Que at Princess Superal, shooters Hagen Topacio, Amparo Acuna at Jayson Valdez, tracksters Marestella Torres at EJ Obiena, boxers Mark Anthony Barriga, Rogen Ladon, Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at Irish Magno, taekwondo jins Pauline Lopez at Sam Morrisson, judoka Kiyome Watanabe at weightlifter Nestor Colonia.
“We should give these athletes the chance to gain Olympic slots. Competition has become tougher through the years, but these are some of the youngest and the brightest among our sporting stars. They deserve to compete in the Summer Games and gain experience that would toughen them up in their next try,” pahayag ni Escudero.