MANILA, Philippines – Tatlong oras bago ang FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) draw ceremony sa Martes sa House of Basketball sa Mies, Switzerland ay makikipag-usap si Sonny Barrios, ang executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, kay Predrag Bogosavljev, ang FIBA sport and competitions director para sa ilang aspeto ng gagawing pamamahala ng bansa sa isa sa tatlong OQT competitions.
Ang pakikipagpulong ni Barrios sa dating Yugoslavian junior player ay ga-ling sa direktiba ni SBP president Manny V. Pangilinan na gustong masimulan kaagad ang paghahanda para sa Olympic qualifier hosting.
“Mr. Pangilinan is leaving nothing to chance in making sure the staging of the OQT will be a huge success,” wika ni Barrios. “Concerns like formation of the LOC , venue, transportation, security, hotel accommodations, IT and media accreditation have also been calendared for discussion right after I return.”
Nakatakda ang draw ceremony sa alas- 6 ng gabi sa Hulyo 26 sa Switzerland (Hulyo 27, Manila time).
Ibinigay ng FIBA ang OQT hosting rights sa Manila, Belgrade (Serbia) at Turin (Italy) kamakailan.
Ang 18 bansang kasali, ang Angola, Canada, Czech Republic, France, Greece, Iran, Italy, Japan, Mexico, New Zealand, Philippines, Puerto Rico, Se-negal, Serbia, Tunisia, Latvia, Croatia at Turkey, ay hahatiin sa tatlong grupo sa pamamagitan ng draw at mag-aagawan sa July 4-10 para sa tatlong tiket sa 2016 Olympic sa Rio de Janeiro sa August.
Sa tournament format, ang anim na koponan sa isang OQT ay hahatiin sa dalawang grupo kung saan sila magla-laro sa single round robin.
Ang top two teams ang lalaban naman sa top three squads sa kabilang grupo para sa crossover semifinals at ang dalawang mananalo ang mag-aagawan para sa Olympic berth.
Ang Mall of Asia Arena, ang venue kung saan kinuha ng Gilas Pilipinas ang silver medal finish sa paggiya ni coach Chot Reyes noong 2013 FIBA Asia Championship na nagpasok sa bansa sa FIBA Basketball World Cup sa Spain noong 2014, ang muling magiging official venue para sa Manila OQT.