NEW YORK -- Humataw si Kevin Love ng 17 points at 18 rebounds at nakabangon ang Cleveland Cavaliers mula sa nakakahiyang kabiguan sa Golden State nang kunin ang 91-78 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Umiskor din si Le-Bron James ng 17 points at hindi na pinaglaro si Love sa fourth quarter bilang paghahanda sa kanilang pagharap sa Los Angeles Clippers sa Huwebes.
Nauna nang nakalasap ang Cavs ng 98-132 pagkadurog sa Warriors sa kanilang NBA Finals rematch.
Sa Houston, nagtala sina Kentavious Caldwell-Pope at Marcus Morris ng tig-22 points at tinalo ng Detroit Pistons ang Rockets, 123-114 sa kabila ng paglilista ni Andre Drummond ng NBA record na 23 mintis na free-throws.
Naiposte ni Drummond ang career high at franchise record sa kanyang 36 free-throws matapos siyang sadyang bigyan ng foul para dalhin sa free throw line ng 21 beses.
Ang dating record para sa pinakamaraming mintis na foul shots ay 22 ni Wilt Chamberlain noong Dec. 1, 1967.
Ang nasabing Hack-A-Shaq tactic kay Drummond ang nagresulta sa pag-agaw ng Rockets sa unahan sa third quarter.
Ngunit nang ilabas ng Pistons si Drummond, tumapos na may 17 points at 11 boards, sa huling 5 1/2 minuto ng naturang yugto at angat ang Pistons sa 107-94 ay hindi nakalapit muli ang Rockets.
Itinala ni James Harden ang una niyang triple-double sa season at ikapito sa kanyang career sa tinapos na 33 points, career-high na 17 rebounds at 14 assists sa panig ng Houston.
Sa Chicago, umiskor si Stephen Curry ng 25 points para sa 125-94 paggiba ng Warriors sa Bulls.
Itinabla ni Curry ang season high sa kanyang 11 assists bukod sa 7 rebounds.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 20 points, habang may 19 si Harrison Barnes para sa defending champions.
Naglista si Derrick Rose ng 29 points, habang may 23 si Jimmy Butler sa panig ng Bulls.
Sa Oklahoma City, kumabig si Kevin Durant ng 26 points at tinulungan ang Thunder na talunin ang Charlotte Hornets, 109-95 para sa kanilang pangatlong sunod na panalo.
Kumolekta si Russell Westbrook ng 16 points, 15 assists, eight rebounds at five steals bago ipina-hinga sa fourth quarter.