MANILA, Philippines – Tubong Sariaya, Quezon si coach Leo Austria at umaasa siyang matutulungan ng kanyang mga kababayan sa pagsagupa ng nagdedepensang San Miguel sa Alaska.
Hawak ang malaking 2-0 bentahe, lalabanan ng Aces ang Beermen ngayong alas-7 ng gabi sa Game Three ng 2016 PBA Philippine Cup Finals sa Quezon Convention Center sa Lucena.
“I hope na makatulong ‘yung homecourt advantage and the crowd will cheer us,” sabi ni Austria sa San Miguel na tinalo ng Alaska sa Game One (100-91) at Game Two (83-80).
Posibleng muling iupo ni Austria si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo para sa laro ng Beermen sa kanilang best-of-seven championship series ng Aces.
Sinabi ni Austria na hindi niya pupuwersahin si Fajardo na maglaro para matulungan ang San Miguel, nauna nang tinalo ang Alaska sa nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup Finals.
Ayon kay Austria, habang hindi nakakamit ng Aces ang ikaapat na panalo ay hindi pa tapos ang serye para sa Beermen.
“I think this story is not yet finished. There might be another turnaround. We can never know what will happen. As long as there is a chance to win, hindi kami mawawalan ng pag-asa,” wika ni Austria, muling aasa kina one-time PBA MVP Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Yancy De Ocampo at Gabby Espinas.
Sina Cyrus Baguio, Vic Manuel, Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros ang muling kakamada para sa Alaska, puntirya ang kanilang pang-15 PBA title kung saan ang 13 dito ay galing kay two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone.
Huling naghari ang Wilfred Uytengsu franchise noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa tulong ni import Rob Dozier sa ilalim ng pamamahala ni mentor Luigi Trillo.
“Kung bumalik man ‘yung big man nila sa Game Three, mas pag-iigihan namin yung depensa namin,” sabi ni Abueva patungkol kay Fajardo.