MANILA, Philippines – Tatlong popular na atleta na nakatulong sa kampanya ng Philippine team noong nakaraang taon ang tatanggap ng special honor mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagdaraos ng Annual Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel.
Magsasalo sina volleyball superstar Alyssa Valdez, basketball heroes Calvin Abueva at Terrence Romeo sa center stage kasama sina Athletes of the Year Nonito Donaire, Donnie Nietes at Miguel Tabuena sa pagpupugay ng sportswriting fraternity sa mga pinakamahusay na atleta sa formal ceremony sa Pebrero 13 sa One Esplanade.
Muling kokoronahan si Valdez bilang Ms. Volleyball sa ikatlong pagkakataon matapos noong 2013 at 2014 habang hihirangin naman sina Abueva at Romeo bilang co-Mr. Basketball sa unang pagkakataon.
Bagama’t naglaro bilang mga rookies para sa national squad, naging susi naman sina Abueva at Romeo sa pagtulong sa Gilas Pilipinas sa runner-up finish noong 2015 FIBA-Asian Men’s Cham-pionship sa ilalim ng nagkampeong China.
Ang pagkatalo ang nagkait sa mga Pinoy na makuha ang outright ticket para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Isang three-time PSA Ms. Volleyball, naglaro ang 22-anyos na si Valdez para sa national team sa Asian Women’s U-23 Volleyball Championship at sa 28th Southeast Asian Games na nagbalik sa ladies squad sa biennial meet matapos ang 10-year absence. Nauna nang nagsalo sina Valdez at Aby Maraño sa Ms. Volleyball Award noong 2013.
Bahagi rin ng honor roll sa gala night na inihahandog din ng Philippine Sports Commission (PSA), Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Rain or Shine, Globalport at Philippine Amusement and Gaming Corp. ang Gilas Pilipinas 3.0, na gagawaran ng President’s Award dahil sa kanilang respetadong kampanya sa FIBA-Asia Men’s Championship.
Ibibigay din ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Lifetime Achievement Award at Posthumous pati na ang mga major awards sa iba pang sports.
Pararangalan naman ang mga gold medalists sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Igagawad din ang Tony Siddayao Awards para sa mga outstanding athletes na may edad 17 at pababa at Milo Outstanding Junior Athletes para sa babae at lalaki.