MANILA, Philippines – Noong nakaraang PBA Philippine Cup ay kinuha ng Alaska ang 1-0 bentahe bago nakapuwersa ang San Miguel ng Game Seven para angkinin ang kampeonato.
Sa kanilang rematch ay ayaw na ni coach Alex Compton na maulit ito.
“We gotta win three more games,” sabi ni Compton matapos kunin ng Aces ang 100-91 panalo laban sa Beermen sa Game One noong Linggo.
Puntirya ang 2-0 kalamangan sa kanilang best-of-seven championship series, lalabanan ng Alaska ang San Miguel ngayong alas-7 ng gabi sa Game Two ng 2016 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kinailangang bumangon ang Aces mula sa 12-point deficit sa fourth period para resbakan ang Beermen at kunin ang 1-0 abante sa kanilang serye.
Hindi nakapaglaro para sa San Miguel ang 6-foot-10 na si June Mar Fajardo matapos magkaroon ng left knee injury sa Game Six ng kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine noong nakaraang Biyernes.
Dahil dito ay nanalasa sa rebounding ang Aces nang humablot ng kabuuang 48 rebounds kumpara sa 28 ng Beermen.
“We were out-rebounded by 20 and perhaps we’re missing June Mar, but I’m still happy with the way the team performed,” sabi ni mentor Leo Austria.
Ang back-to-back PBA Most Valuable Player na si Fajardo ay nagposte ng mga averages na 26.7 points at 14.9 rebounds sa torneo.
Si 6’8 Yancy De Ocampo ang nagdala sa frontline ng Beermen nang kumolekta ng 18 points at 7 rebounds sa kanilang kabiguan sa Game One.
Sa isinagawang MRI ay walang nakitang pinsala sa ACL (anterior cruciate ligament) at PCL (posterior) sa kaliwang tuhod ni Fajardo.
Kaya naman hindi na niya kailangang sumailalim sa surgery, ayon kay Austria.
“I told him that if he’s not one-hundred percent, I don’t want him to play because I don’t want to aggravate his injury. Maybe Friday, we’re hoping. But we don’t know yet,” wika ni Austria sa Cebuano giant.
Bukod kay De Ocampo, muling aasahan ng San Miguel sina one-time PBA MVP Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Ronald Tubid, Chris Ross at Gabby Espinas.
Sina Vic Manuel, Cyrus Baguio, Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss, Eric Menk at Dondon Hontiveros naman ang itatapat ng Alaska.
Sa naturang panalo ng tropa ni Compton sa Game One ay humugot si Manuel ng 14 sa kanyang game-high na 24 points sa fourth quarter.
“Pang-third na Finals na namin ito laban sa San Miguel, sana makuha na namin,” wika ni Abueva.
Nauna nang pinatumba ng Beermen ni Austria ang Aces ni Compton sa nakaraang Finals ng PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.