MANILA, Philippines – Sa pagkakataong ito ay hindi na nagpabaya ang tambalang Mark A Alvarez at Low Profile para angkinin ang 2016 Philracom Commissioner’s Cup kahapon sa Metro Turf sa Malvar-Tanauan, Batangas.
Ang may limang taong kastanyang kabayo mula sa istalyong Tribal Rule at Laquerda ay umigkas agad sa pagbubukas pa lamang ng aparato at ‘di na lumingon pa para ibigay ang panalo sa kanyang koneksyon na sina Ruben B. Dimacuha at Conrado Vicente.
Malayong segundo si Kanlaon na dinala ni Val Dilema at sumikwat rin ng ikalawang premyong P270,000 samantalang ang Biseng Bise na ginabayan ni Kelvin E. Malapira ay nakuntento sa P150,000 at ang Manalig Ka na pinatungan ni Jonathan B. Hernandez ay naambunan ng P60,000.
Sa KASAPI Plate race ay masayang nagdiwang si konsehal Paolo Crisostomo ng Silang, Cavite sa pagkakapanalo ng kanyang kabayong Jazz Again na sinakyan ni Joey L. Paano.
Naroon ang mga opis-yales ng Karera Station Association of the Philippines, Incorporated para magbigay award kay Crisostomo. Ang Jazz Again ay isang limang taong kastanyang kabayo mula kay Minsk at ina-hing Jazz In Time.
Sa Philippine Charity Sweepstakes Office special maiden race para sa mga tatlong taong kabayo, nanguna ang Kid Benjie na pinatungan ni Dominador H. Borbe Jr.
Ang panalo ay nagkaloob ng P600,000 para kay Benjie B. Virata. (JM)