AUBURN HILLS, Michigan – Umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng 20 points sa pagpapalasap ng Detroit Pistons kay Stephen Curry at sa Golden State Warriors ng kanilang ikalawang kabiguan sa huling tatlong laro sa bisa ng 113-95 panalo.
Naging sentro ng pregame talk kung paano babantayan ni Caldwell-Pope si Curry.
Kumamada ang Golden State star ng 38 points, ngunit nabigyan ni Caldwell-Pope ng sapat na lakas sa opensa ang Pistons.
Naabot na ng Warriors (37-4) ang kalagitnaan ng regular season at nabigong pantayan ang 41-game start sa NBA history.
Ang 1971-72 Los Angeles Lakers at ang 1995-96 Chicago Bulls ay nauna nang naglista ng 38-3 start.
Iniretiro naman ng Detroit ang No. 3 jersey ni Ben Wallace sa halftime kung saan iniwanan ng Pistons ang Warriors sa 65-49.
Humakot si Andre Drummond ng 14 points at 21 rebounds kasunod ang 20 markers ni Reggie Jackson para sa Detroit.
Sa Memphis, pinatumba ng Grizzlies ang New York Knicks, 103-95 sa unang laro ng dalawang koponan matapos suspendihin ng NBA sina Grizzlies forward Matt Barnes ng dalawang laro dahil sa pakikipag-away kay Knicks coach Derek Fisher noong Oktubre.
Tumapos si Barnes na may 2 points at 9 rebounds sa loob ng 26 minuto para sa Memphis na nakahugot kay Marc Gasol ng 37 points at 8 rebounds.
Ito ang ikaapat na panalo ng Grizzlies sa kanilang huling limang laban.
Sa Los Angeles, kumolekta si DeMarcus Cousins ng 19 points at 13 rebounds habang may 17 markers si Omri Casspi para talunin ng Sacramento Kings ang Clippers, 110-103.