Gilas Pilipinas 3.0 pararangalan

Ang Gilas Pilipinas 3.0 na nanalo ng silver medal sa Changsha FIBA-Asia Championships sa China.

MANILA, Philippines – Bagama’t hindi nakuha ang serbisyo ng mga hinihiram na players ay maganda pa rin ang naging kampan-ya ng Gilas Pilipinas 3.0 sa nakaraang FIBA-Asia Men’s Championship sa Changsha, China.

Iginiya ni veteran coach Tab Baldwin, nag-laro ang Nationals na may tapang at puso at muntik na nilang maabot ang pangarap na muling makapaglaro sa Olympics.

Ngunit natalo sila sa host China sa gold medal match, 78-67 sa Changsha Social Work Colleges gymnasium.

Para sa isang koponan na hindi inaasahang makakarating sa finals laban sa bigating China, isang malaking karangalan na ang makamit ang silver medal.

Ito rin ang nakuha ng Gilas Pilipinas team ni coach Chot Reyes sa FIBA-Asia meet noong 2013 sa Manila.

Ang kabayanihan ng national team sa ilalim ng mahirap na sitwasyon ay sapat na para ibigay sa Gilas Pilipinas ang President’s Award sa darating na Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel Corp.

Ang mga nakaraang honorees ng nasabing award ay ang National University Bulldogs, sina dating world champions Rubilen Amit, Dennis Orcollo at Lee Van Corteza, ang Ateneo Blue Eagles, si taekwondo jin Mikaela Calamba, ang Philippine women’s bowling trio at ilan pa.

“The surprising silver medal finish by Gilas Pilipinas is truly inspiring especially for the basketball loving-Filipinos, who are always known for having a soft spot for the underdogs,” sabi ni PSA president Riera Mallari ng Manila Standard ukol sa pagpili sa national team.

Nakatakda ang formal event, isang traditional practice ng pinakamatandang media organization, sa Feb. 13 sa One Esplanade sa Pasay City.

Sina world boxing champions Nonito Donaire Jr. at Donnie Nietes kasama si Asian Tour winner and rising golf star Miguel Tabuena ang pararangalan bilang Athlete of the Year award sa PSA Awards Nights na inihahandog din ng Philippine Sports Commission (PSA), Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Rain or Shine, Globalport at Philippine Amusement and Gaming Corp.

Ang 2013 batch ng Gilas Pilipinas ni Reyes, ang nagbalik sa bansa sa FIBA World Cup noong 2014 sa Spain ay kinila-lang Athlete of the Year ng PSA noong 2013.

Ibibigay din ng sportswriting fraternity ang mga major awards at citations, kasama dito ang mga gold medal winners sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Show comments