OKLAHOMA CITY, Philippines – Matapos mapatalsik sa kanilang laro kontra sa Dallas Mavericks noong Miyerkules ay bumalik si Russell Westbrook sa pamamagitan ng matinding laro.
Ipinoste ng Oklahoma City point guard ang kanyang ika-23 career triple-double at inihatid ang Thunder sa 113-93 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Nagsalansan si Westbrook ng 12 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-apat na triple-double ngayong season.
Tumipa si Westbrook ng 6-of-10 fieldgoal shooting at mayroon lamang dalawang turnovers bago siya tuluyang ipinahinga sa fourth quarter dahil kontrolado na ng Thunder ang laro.
“verybody’s passing the ball, everybody’s moving the ball around, making the extra pass and getting guys wide-open shots, wide-open dunks,” sabi ni Westbrook.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 21 points, habang may 20 si Dion Waiters at 14 si Cameron Payne para sa ikatlong sunod na panalo ng Thunder.
Nalimitahan naman si Karl-Anthony Towns, ang NBA No. 2 rookie scorer na may 15.7 points per game, sa 9 points at 12 rebounds sa panig ng Timberwolves, nalasap ang pang-siyam na sunod na kabiguan.
Pinamunuan ni Andrew Wiggins ang Minnesota sa kanyang 25 points kasunod ang 15 ni Shabazz Muhammad at 13 ni Zach LaVine.
Kinuha ng Oklahoma City ang 57-43 bentahe sa halftime patungo sa 75-54 kalamangan sa third quarter.
Sa Denver, kumolekta si center Hassan Whiteside ng triple double sa kanyang 19 points, 17 rebounds at 11 blocked shots para ibangon ang Miami Heat mula sa 18-point deficit sa first half para balikan ang Nuggets, 98-95.
Kumonekta ni Chris Bosh ng tiebreaking jumper sa huling 55 segundo at tumapos na may 24 points.
Nag-ambag si Tyler Johnson ng 15 markers mula sa bench para sa panalo ng Miami, naglaro na wala si star guard Dwyane Wade na may injury sa dalawang balikat.
Ito ang unang pagkakataon na hindi nakita sa aksyon si Wade ngayong season dahil sa injury.