Baltazar iniligtas ang Bullpups; Ildefonso nagbida sa Blue Eaglets
MANILA, Philippines – Isinalpak ni Justine Baltazar ang isang buzzer-beating tip-in para iligtas ang National University laban sa Adamson University, 68-66, sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Arena.
Kumamada si John Lloyd Clemente ng 20 points ngunit ang game-winner ni Baltazar ang siyang nagpanalo sa Bullpups.
Dumiretso ang NU sa kanilang pang-siyam na sunod na arangkada para pangunahan ang elimination round.
Nagdagdag si Rhayan Amsali ng 15 points at 8 rebounds, habang tumapos si Baltazar na may 12 points at 9 boards para sa Bullpups.
Samantala, umiskor si Aljun Melecio ng 17 markers para tulungan ang De La Salle-Zobel sa 78-52 paggupo sa University of Santo Tomas.
Pinataob ng nagdedepensang Ateneo ang UP Integrated School, 75-67, sa likod ng 17 points ni Shaun Ildefonso, anak ni two-time PBA MVP Danny Ildefonso.
Umangat ang Junior Archers sa 7-2 mark kasunod ang Blue Eaglets (6-3).
Nagtala si Kenji Roman ng 17 points at 13 rebounds sa 93-79 panalo ng Far Eastern University-Diliman kontra sa University of the East.
Nagtabla ang Baby Tamaraws at Baby Falcons sa 5-3 baraha sa itaas ng Tiger Cubs (3-6), Junior Maroons (1-8) at Junior Warriors (0-9).
- Latest