MANILA, Philippines – Muling pinanood ni San Miguel coach Leo Austria ang laro kung saan nagkaroon ng left knee injury si June Mar Fajardo.
At kumbinsido siyang sinadya ni Rain or Shine guard Jireh Ibañes na pilayan si Fajardo sa Game Six ng kanilang semifinals series noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Binangga ni Ibañes, nagkaroon si Fajardo ng hyperextended left knee sa 7:11 minuto ng third period.
Sumalampak sa sahig ang 6-foot-10 na si Fajardo hawak ang kanyang sumasakit na kaliwang tuhod.
Ilang minuto siyang nanatiling nakahiga hanggang isakay sa stretcher.
Kaagad siyang idiniretso sa St. Luke’s Medical City sa Bonifacio Global City at sumailalim sa MRI.
Ang resulta ng MRI ay ilalabas bukas.
Ngayon ay namamaga ito at posibleng ipahinga ni Fajardo sa kanilang finals rematch ng Alaska para sa 2016 PBA Philippine Cup.
Kaya naman hindi naitago ni Austria ang pagkainis kay Ibañes.
“He put his right foot in front of June Mar’s left then he sat on June Mar’s leg. Parang ni-Muay Thai eh,” sabi ni Austria sa ginawa ni Ibañes sa nasabing rebound play.
“If it were Beau Belga, Jewel Ponferada or JR Quiñahan, yes it may be just a box out. But Ibañes came from nowhere. He’s not June Mar’s man,” dagdag pa nito.
Humingi na ng paumanhin si Ibañes at sinabing hindi niya sinasadya ang nangyari kay Fajardo.
“They may be really after June Mar as they were probably thinking they would have a better chance to win if Junmar’s not there,” sabi ni Austria.
Si Austria ang kumuha kay Ibañes sa PBA Draft noong 2005 habang ginigiyahan ang Elasto Painters.