MANILA, Philippines – Bagama’t hindi na nakabalik sa laro si June Mar Fajardo matapos magkaroon ng left knee injury sa pagsisimula ng third period, hindi naman ito naging dahilan para dumiretso ang San Miguel sa kanilang ika-36 finals stint.
Winakasan ng nagdedepensang Beermen ang kanilang semifinals duel ng Rain or Shine Elasto Painters nang sikwatin ang 90-82 panalo sa Game Six sa 2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng San Miguel ang kanilang best-of-seven semifinals showdown ng Rain or Shine sa 4-2 para puntiryahin ang kanilang pang-22 PBA crown.
Lalabanan ng Beermen ang Alaska Aces, pinatalsik ang Globalport Batang Pier sa kanilang semifinals wars, 4-1 para pumasok sa ika-29 finals stint at hangarin ang ika-15 titulo, sa best-of-seven championship series.
Pinadapa ng San Miguel ang Alaska, huling nagkampeon noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa ilalim ni mentor Luigi Trillo, sa Finals ng nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.
Nagkaroon ng left knee injury ang back-to-back PBA Most Valuable Player na si Fajardo sa 7:11 minuto ng third period dahil sa kanilang puwestuhan sa ilalim ni Rain or Shine guard Jireh Ibañes.
Samantala, inaasahan ng marami na ang San Miguel Beer center na si June Mar Fajardo ang mananalo ng PBA Philippine Cup Best Player of the Conference award na mag-uumang sa kanya sa ikatlong sunod na MVP na ‘di malayong makukuha niya kung masusustinihan niya ang kanyang dominanteng performance.
Natapos na ang usapan kung sino ang magiging BPC nang hindi makapasok si Greg Slaughter at ang Barangay Ginebra team sa quarterfinal round matapos masilat ng Globalport.
San Miguel 90 - Lassiter 22, Santos 15, Fajardo 14, Espinas 9, Ross 8, Cabagnot 6, Tubid 6, Araña 4, De Ocampo 4, Lutz 2.
Rain or Shine 82 - Belga 16, Norwood 14,Ponferrada 14, Chan 11, Ibañes 10, Cruz 6, Ahanmisi 5, Quinahan 4, Trollano 2, Tiu 0.
Quarterscores: 19-16;, 37 46; 70-63; 90-82.