DALLAS – Kumamada si LeBron James ng 27 points kasama ang go-ahead layup sa overtime, habang nagdagdag si Kyrie Irving ng 22 points tampok ang mahahalagang 3-pointers para ihatid ang Cleveland Cavaliers sa 110-107 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Ito ang pang-walong sunod na panalo ng Cavaliers.
Ang layup ni James sa huling minuto ng overtime ang nagbigay sa Cavs ng 106-105 abante kasunod ang mintis na tres ni Deron Williams sa panig ng Mavs.
Isinalpak naman ni Irving ang isang tres bago tumunog ang kanilang shot clock para selyuhan ang panalo ng Cleveland.
Hindi nakalamang ang Cavaliers hanggang tumirada si Irving ng tres sa regulation para sa kanilang 75-74 bentahe.
Pinangunahan ni Chandler Parsons ang Dallas sa kanyang season-high na 25 points mula sa 10-of-14 shooting.
Nagtabla ang laro sa 95-95 makaraan ang two-handed slam ni James sa huling 20 segundo ng regulation.
Humablot din si James ng 10 rebounds habang nag-ambag si Kevin Love ng 15 points at 11 rebounds kasunod ang 12 markers ni Matthew Dellavedova at tig-10 nina JR Smith, Timofey Mozgov at Iman Shumpert.
Sa Auburn Hills, Michigan, umiskor si Tony Parker ng 31 points, nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 22 points at 13-rebounds nang igupo ng San Antonio ang Detroit, 109-99 para sa kanilang ikasiyam na sunod na panalo.
Naputol naman ang winning streak ng Detroit sa tatlo.
Nagdagdag si Manu Ginobili ng 15 points habang nagposte si Tim Duncan ng 14 points at 9-rebounds para sa Spurs na magbabalik sa San Antonio hangad ang kanilang 31-game home winning streak nitong Huwebes kontra sa Cleveland.
Pinangunahan ni Kentavious Cald-well-Pope ang Pistons sa kanyang 25 points habang si Andre Drummond ay nagdagdag ng 17 points at 10 rebounds.