MANILA, Philippines – Pangungunahan ng Café France at UAAP champion Far Eastern University ang nine-team casts na makikita sa aksyon sa 2016 PBA D-League Aspirants Cup na magbubukas sa Jan. 21 sa Filoil Flying V Arena.
May anim na school-based teams, inaasahang mas magiging maigting ang agawan sa korona ng season opening conference.
Bukod sa Café France, ang reigning Foundation Cup champion at Phoenix Petrolium-FEU, ang iba pang school-based teams ay ang Jam Liner-University of the East, Banco de Oro-National University at AMA Online Education.
Sasabak din sa torneo ang Caida-Tiles (dating KeraMix), Tanduay Light Rhum at Wang’s Basketball.
“With a lot of new players and new teams this season of the D-League should be very interesting and exciting,” sabi ni PBA Commissioner Chito Narvasa.
Nasa kanilang pang-limang season, itatampok ang double-header sa pagsisimula ng torneo sa pagitan ng Caida Tiles laban sa Tanduay Light Rhum sa alas-2 ng hapon at ang Banco de Oro-NU kontra sa Jam Liner-UP sa alas-4.
Dadalhin naman ang liga sa Ynares Sport Arena sa Jan. 25 kung saan magtatapat ang Cafe France, babanderahan ng NAASCU champion Centro Escolar University at ang bagitong Mindanao Aguilas sa alas-2 kasunod ang upakan ng Wang’s Basketball at Phoenix Petroleum-UP sa alas-4 ng hapon.
Sisimulan ng AMA University ang kanilang kampanya sa pagsagupa sa Caida Tiles sa alas-2 sa Jan. 26 sa Pasig Hop House.
Ang torneo ay isang single-round elimination kung saan isang koponan lamang ang hindi makakapasok sa quarterfinals at ang top four ang makakakuha ng ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals.
Kung magkakaroon ng pagtatabla sa huling quarterfinals berth, ito ay babasagin sa pamamagitan ng PBA quotient system.