8-sunod na panalo sa San Antonio

NEW YORK – Humakot si LaMarcus Aldridge ng 25 points at 11 rebounds at dumiretso ang San Antonio Spurs sa kanilang pang-walong sunod na panalo matapos ang 106-79 paggiba sa Brooklyn Nets.

Isang araw matapos sibakin si coach Lionel Hollins at ang pagbibitiw ni general manager Billy King, nalasap ng Nets ang kanilang pang-10 sunod na kabiguan sa kanilang homecourt at pang-lima sa regular season.

Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 17 points para sa Spurs, magtutu-ngo sa Detroit sa Martes bago itaya ang kanilang 31-game home winning streak laban sa Cleveland sa Huwebes.

Tangan ng Spurs (33-6) ang seven-point lead sa halftime bago dominahin ang Nets sa second half.

Umiskor naman si Brook Lopez ng 18 points kasunod ang 16 ni Joe Johnson para sa unang laro ng Brooklyn sa ilalim ni interim coach Tony Brown.

Sa Oakland, kumamada si Stephen Curry ng 31 points at nag-ambag si Draymond Green ng 22 points at 12 rebounds para pamunuan ang Golden State Warriors sa kanilang ika-36 sunod na regular-season home win matapos talunin ang Mia-mi Heat, 111-103.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 17 points para tulungan ang Warriors (36-2) na makalahati ang record win total ng Chicago Bulls na 72 noong 1996-97.

Tumipa si Dwyane Wade ng 20 points at may tig-15 sina Chris Bosh at Gerald Green sa panig ng Heat.

Sa Chicago, kumolekta si John Wall ng 17 points at 10 assists para igiya ang Washington Wizards sa 114-100 panalo sa Bulls.

May pitong players ang Wizards na umiskor ng double figures sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang limang dikit na kamalasan.

Nagdagdag si Ramon Sessions ng 16 points kasunod ang tig-14 nina Garrett Temple, Otto Porter Jr. at Nene.

Nagtala naman si Derrick Rose ng 23 points para sa Bulls habang may 19 si Jimmy Butler at 15 si Pau Gasol.

Show comments