Ravena, Oraeme mangunguna sa Collegiate Mythical Five
MANILA, Philippines – Babanderahan nina UAAP-MVP Kiefer Ravena ng Ateneo at NCAA-MVP-ROY Allwell Oraeme ng Mapua ang Collegiate Mythical Five awardees sa UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.
Kasama nina Ravena at Oraeme sina Mac Belo ng FEU, Kevin Ferrer ng UST at Scottie Thompson ng Perpetual Help.
Nasungkit ni Ravena ang kanyang ikalawang sunod na UAAP MVP award bago iwanan ang Ateneo.
Si Oraeme na itinanghal na MVP at Rookie of the Year sa NCAA ang bumuhat sa Mapua sa Final Four sa unang pagkakataon sapul noong 2010.
Naging katuwang naman ng Tamaraws si Belo para tuldukan ang isang dekadang pagkauhaw at makamit ang ika-20 titulo ng koponan sa liga habang si Ferrer ang runner-up sa MVP race.
Makakasama ng Collegiate Mythical Five sa listahan ng mga awardees sina Nash Racela ng FEU at Aldin Ayo na dating Letran coach at kasalukuyan nang mentor ng De La Salle University, na siyang gagawaran ng Coach of the Year awards.
Pasok din sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran para sa Pivotal Player award at sina Baser Amer ng San Beda College, Mark Cruz ng Letran at Mike Tolomia ng FEU para sa Super Senior honors.
- Latest