SACRAMENTO, Calif. - Nagsalpak si reigning Most Valuable Player Stephen Curry ng walong 3-pointers para tumapos na may 38 points habang nagdagdag si Draymond Green ng 25 markers at iginiya ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 128-116 panalo laban sa Sacramento Kings.
Ito ang pang-anim na sunod na arangkada ng Warriors.
Umiskor ang Warriors (35-2) ng 36 points sa third quarter at nagtayo ng 12-point lead.
Kumamada naman si Curry ng 14 points sa fourth period para tuluyan nang ipagpag ang Kings.
Winalis ng Golden State ang kanilang four-game season series ng Sacramento na kanilang dinomina sa ika-12 sunod na pagkakataon.
Nagsalpak si Green ng limang tres at humakot ng 9 rebounds para sa Warriors na naglista ng kabuuang 19-of-37 shooting sa 3-point range.
Humugot si DeMarcus Cousins ng 21 sa kanyang 33 points sa first half at nagdagdag ng 10 rebounds sa panig ng Kings na nakahugot ng 23 markers kay Rudy Gay.
Sa Los Angeles, tumipa si guard Chris Paul ng 25 points at 7 assists at pinalawig ng Los Angeles Clippers ang kanilang winning streak sa walo matapos kunin ang 97-83 panalo sa Charlotte Hornets.
Kumolekta si DeAndre Jordan, hangad ang kanyang unang career All-Star selection, ng 19 rebounds.
Ito ang ika-11 sunod na laro na nagtala ng double digits ang career rebounding leader ng Clippers.
Pinangunahan niya ang NBA sa rebounding sa nakaraang dalawang seasons.
Nagdagdag si J.J. Redick ng 17 points para sa Clippers.
Binanderahan naman ni Jeremy Lin ang Hornets sa kanyang 26 points.
Nalasap ng Charlotte ang kanilang pang-anim na sunod na kamalasan.
Sa Atlanta, umiskor si Al Horford ng season-high na 33 points at humatak ng 10 rebounds, nagdagdag si Paul Millsap ng 18 points nang talunin ng Atlanta ang Chicago, 120-105.
Umiskor si Jimmy Butler ng 14 sa kanyang 27 points sa third quarter para sa Chicago habang tumapos si Nikola Mirotic ng 24 points.